Vice sa pagiging Showtime host ni Kim: Ang sarap paglaruan at sabi ko, hayaan mo lang na sumablay ka

“HAYAAN mo lang na sumablay ka!” Yan ang isa sa mga tips ni Vice Ganda kay Kim Chiu bilang isa sa mga hosts ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime.”

Para kasi kay Vice, mas naaaliw at mas natutuwa ang madlang pipol kapag nagkakamali at nagkakaasaran sila sa programa, mas natural daw kasi ang dating nito sa viewers.

In fairness naman kay Kim, mabilis siyang naka-adjust sa “Showtime” at mukhang pinakinggan nga niya ang lahat ng payo ni Vice dahil maraming naaaliw kapag nagbabatuhan na sila ng punchlines at hugot ng iba pang hosts.

Sa isang panayam natanong ang TV host-comedian kung ano nga ba ang masasabi niya sa hosting style ni Kim. “Ang pangit ng hosting style ni Kim Chiu,” tawa nang tawang biro ng Phenomenal Box-Office Star.

“But it’s okay, it’s manageable. Pero honestly…alam n’yo, ang laking pasasalamat ko na dumating si Kim Chiu sa Showtime. Ang laking blessing niya sa Showtime.

“Kasi, hello, 12 years, sobrang sawang-sawa na rin naman ako sa mukha ni Vhong at ni Jhong. Hindi ko na kayang mag-adjust sa dalawa,” chika pa ni Vice.

Hirit pa niya, “Pero hindi, ang sarap ni Kim Chiu. Ang sarap niyang addition sa Showtime. Ang sarap niyang paglaruan. Tapos, ina-allow niya iyong sarili niya na paglaruan ko siya. Kasi, hindi lahat papayag, ha.

“E, iyon ang magandang dynamics sa Showtime. Walang Anne Curtis-Anne Curtis sa akin, ‘no!

“Kahit ikaw ang Dyosa sa showbiz, isisiwalat ko na ikaw rin ang may pinakamalaking bunganga sa showbiz. Iyong ganu’n. Walang Dyosa-dyosa sa akin.

“E, si Kim Chiu, ganu’n din. Walang PBB-PBB big winner dito. Si Kim, ano siya, team player, tapos, family member, and, at the same time, she enjoys the show and she enjoys us.

“Nararamdaman namin iyon kaya ang dali-dali rin naming kumonek kay Kim Chiu,” dire-diretso pang pahayag ng dyowa ni Ion Perez.

At isa nga sa nga advice niya sa TV host-actress, “Sabi ko nga kay Kim, ‘Kim, hayaan mo lang na sumablay ka.’

“Kasi noong simula, gusto niyang ayusin ang ginagawa niya. Gusto niya na tama. Pati iyong spiels niya, nire-rehearse niya, kinakabisado niya.

“Sabi ko, ‘Ay, Kim huwag! Allow yourself to commit a lot of errors in this show. Kasi, doon tayo nakakaaliw, iyong mga pagkakamali natin. Iyong okrayan natin sa isa’t isa.

“‘Iyon ang gusto ng mga tao, hayaan mo na. Basta pumasok ka lang dito and just be happy with everyone.’ Kaya big blessing si Kim Chiu sa amin,” lahad pa ni Vice Ganda.

Read more...