Hiling ni Barbie kay Jak sa V-day: Sana payapa nating mai-celebrate, masaya tayo at hindi na ako umiiyak

MAY hiniling ang Kapuso Drama Princess na si Barbie Forteza sa boyfriend niyang Jak Roberto para sa selebrasyon nila this year ng Valentine’s Day.

Sey ng dalaga, gusto naman daw niyang maiba ang mga eksena sa gagawin nilang celebration sa Araw ng mga Puso para pareho silang maging masaya

“As you all know, every Valentine’s Day talaga, laging may pakulo ang Jak Roberto sa akin.

“Palaging may pa-surprise, palaging kailangan mag-aaway muna kami para hindi ko mahalata na may surprise siya sa akin,” kuwento ni Barbie sa panayam ng GMA Regional TV.

Patuloy niya habang tumatawa, “Kaya nga sabi ko sa kanya, ‘Mahal, tatlong taon na tayong nag-aaway bago mag-Valentine’s. Puwede bang next year, sabihin mo na sa akin kung ano ang gagawin natin.”

Chika ni Barbie, gusto naman daw niyang mag-celebrate ng heart’s day na wala nang iyakan o badtripan dahil nga sa mga paandar na prank ni Jak.

“Para at least, ‘di ba, mapayapa nating ma-celebrate, masaya tayo parehas, hindi na ako umiiyak. Ganon!” sey pa ni Barbie.

“So sa ngayon, wala pa siyang sinasabi sa akin. Ayokong mag-assume pero malamang sa malamang may surprise na naman ‘yan,” aniya pa.

Kung matatandaan, ilang beses nang nabiktima ni Jak si Barbie sa mga prank video nito sa kanyang YouTube channel.

Last month lang, ipinost ni Jak sa YT ang kanyang vlog kung saan ang drama niya ay magso-sorry siya kay Barbie ng 100 beses, kaya naman napraning-praning ang dalaga at talagang nabwisit sa paulit-ulit na paghingi ng tawad ng boyfriend.

Napaiyak din ng Kapuso hunk ang girlfriend nang i-prank niya ito na kunwari’y nakalimutan niya ang birthday ng dalaga.

Samantala, matapos ang three-week recap ng TV adaptation ng 1984 hit movie ng Regal Films na “Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday”, mapapanood na ang much-awaited fresh episodes nito simula sa Monday (Feb. 8) sa GMA Telebabad block.

Ipagpapatuloy na ang naputol na kuwento nang malaman na ni Caitlyn (Kate Valdez) na si Ginalyn (Barbie Forteza) ang bagong babae ni Cocoy (Migo Adecer).

Dahil dito nasira na ngang tuluyan ang pagkakaibigan ng mag-BFF at mas lalo pang magiging magulo ang lahat nang biglang magpakita si Joaquin (Jay Manalo) para makipag-ayos sa mga nanay nilang sina Amy (Snooky Serna) at Sussie (Dina Bonnevie).

Kuwento ni Barbie sa kanilang bagong episodes, “Kung tuluyan na bang lalayo ang loob ni Caitlyn kay Ginalyn? Kung ipaglalaban ba ni Cocoy ang pag-ibig niya para kay Ginalyn hanggang sa huli? Kung makikilala ba nina Ginalyn at Caitlyn ang kanilang tunay na ama? At kung sino nga ba ang tunay na anak ni Waray at anak ni Biday.”

Sey naman ni Kate sa kanyang lock-in taping experience, “Na-challenge po ako dahil ilang months na-stop ang taping then pagbalik po namin, mabibigat na scenes na po ang aming kinunan.

“Medyo na-pressure ako sa adjustments sa emotions ko for my character as Caitlyn. So far, it’s a great experience dahil memorable ‘yun for me,” aniya pa.

Read more...