Super Tekla nakabili na rin ng house & lot mula sa kinikita sa YouTube

NAKABILI na rin ng bagong bahay ang Kapuso TV host-comedian na si Super Tekla mula sa mga kinikita niya sa pagba-vlog sa YouTube.

Ibinalita ng komedyante ang good news sa kanyang fans and supporters sa pamamagitan ng joint YouTube channel nila ni Donita Nose na “Donekla in Tandem”.

Sey ni Tekla, halos magkalapit lang ang bahay na nabili niya sa bagong bahay ng BFF niyang si Donita kaya excited na siyang makalipat at magkaroon ng “new life” sa kanyang new house.

“Hindi ko inakalang magkakaroon ako ng ganito. Sabi ko kung darating, darating, kaya magtiwala lang po tayo sa Diyos at saka samahan ng sobrang sipag, tiyaga, at disiplina. ‘Di imposibleng magkakaroon kayo ng ganito,” sabi pa ng Kapuso comedian.

Dalawang palapag ang nabiling bahay ni Tekla pero wala pang lamang kagamitan, mag-iipon pa raw siya ng pambili ng mga appliances at furniture kaya mas lalo pa raw siyang magsisipag.

Sey pa ni Tekla, may apat na kwarto ang bahay at ang isa rito ay gagawin daw niyang studio kung saan niya planong gawin ang ilan naiisip niyang content para sa kanyang YouTube channel.

Chika ng komedyante, “Ang sarap sa pakiramdam, worth it ‘yung pagod, ‘yung sacrifice, ‘yung effort natin. Ipinapakita po natin ito sa mga ka-tandem natin na may kinapupuntahan po ‘yung pag-like ninyo, pag-share ninyo, at panonood, at pagsuporta ninyo sa Donekla in Tandem.”

Isang dream come true raw ang pagkakaroon niya ng sariling bahay at nakuha raw niya ito kahit pa nagsunud-sunod ang mga problema niya last year, idagdag pa ang patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

“Nakakataba ng puso, nakaka-inspire dahil despite sa dami ng pinagdaanang hirap, kagipitan, kakulangan, pandemic, lahat, kung anu-anong nangyari but, still, kung my faith ka kay God mangyayari lahat ng pinagdarasal mo.

“Magtiwala ka kung meron kang gustong marating sa buhay. Basta sipagan mo lang, pursigido kang mangarap, matutupad ‘yan.

“Tulad nito, tulad ni Donita, nangarap, nag-ambisyon, nagkaroon, nagsumikap, nawa’y kapulutan n’yo ‘to ng inspirasyon ang aming journey sa Donekla,” pahayag ni Tekla.

Mensahe pa niya sa lahat nga mga nagmamahal at sumusuporta sa kanila ni Donita, “Wala po kaming kaming ibang hangad kundi ang mabigay ng inspirasyon, saya, at ngiti sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa Donekla in Tandem kaya welcome po kayo sa house ko.”

Read more...