Mga guro tutulong sa info drive ukol sa Covid-19 vaccination program – DepEd

 Education Secretary Leonor Briones

Inihayag ng Department of Education (DepEd) na tutulong ang mga guro sa pampublikong paaralan sa paghahatid ng mga impormasyon ukol sa pagpapabakuna laban sa Covid-19.

Nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na hindi magbibigay ng mga bakuna laban sa Covid-19 ang mga guro kapag ito ay available na.

“Dini-deny namin iyong perception na ang mga teachers ay sila mismo ang mag-vaccinate ng ating mga kabataan or your fellow teachers dahil may Covid o wala, anong klaseng sakit o wala, very strict ang protocol sa medicine na kung hindi ka trained medical personnel, hindi ka naman talagang isasabak sa mga medical procedures,” pahayag ng kalihim.

Aniya, maaaring makatulong ang mga guro sa pagtuturo sa mga mag-aaral ukol sa vaccine program ng pamahalaan base na rin sa diskusyon kasama ang Department of Health (DOH).

Ani Briones, “Ang malaking kontribusyon ng mga teachers ay iyong pagpalaganap ng impormasyon hinggil sa vaccine. But even for that, kailangan silang i-brief nang husto, nang maayos ng malaman nila talaga kung ano benefits o ang protection na maibigay ng vaccine sa mga teachers.”

“Teachers are trained to teach, not to administer vaccine,” dagdag pa nito.

Aniya pa, magiging case-to-case basis ang paggamit sa mga paaralan bilang vaccination centers.

“Kailangan iplano iyan nang maayos kasi mayroon tayong schools na malaki ang clinic, mayroon namang schools na maliit lang, isang kuwatro lang ang clinic. So depende iyan sa sitwasyon ng eskuwelahan,” paliwanag ng kalihim.

Handa aniyang tumulong ang kagawaran ngunit ang interes pa rin ay mabigyang-proteksyon ang mga kabataan, guro at staff.

Read more...