Basher sunog kay Rita Avila: Napakabigat ng puso ko dahil may demonyo na sumulpot…

TINAWAG na “demonyo” ng veteran actress na si Rita Avila ang isang basher na nanglait sa kanya at idinamay pa ang kanyang asawang direktor.

Hindi pinalampas ni Rita ang pambu-bully sa kanya ng nasabing netizen at sa husband niyang si FM Reyes na siyang direktor ng hit teleserye nilang “Ang Sa Iyo Ay Akin” na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria at Iza Calzado.

Aniya, keri lang kung laitin o okrayin  man ng mga manonood ang role niya sa nasabing serye pero ibang usapan na raw ang pambabastos sa kanilang mag-asawa.

“May pakiusap po ako. Alam niyo ‘yan na na kaya kong makipaglokohan kahit ano pang ipintas niyo kay Belen — ‘yung mga kulay ng eyeshadow, sa makeup, sa buhok, sa kulay ng damit. Kayang-kaya ko pagtawanan alam niyo ‘yan. Tanggap ko po ‘yun. Kayang intindihin ng isip ko,” simulang pahayag ng aktres sa ipinost niyang video sa social media.

Patuloy pa niya, “Pero itong araw na ‘to napakabigat po ng puso ko dahil may isang demonyo na sumulpot. Yes, demonyo.

“Dahil ang tanging gusto lang talaga niya ay makapanakit at tapakan ang pagkatao ko. Ang ikinagalit ko o ikinasama ng loob ko ay ang pagdamay pa niya sa asawa ko,” mariin pang sabi ni Rita.

Aniya pa, “Pintasan na lang lahat ng character ko, pag-arte ko, huwag lang idamay ang asawa ko. Sinabi ng demonyo na ‘yun na ako ang kulelat sa artihan dito sa ‘Ang Sa Iyo Ay Akin.’ Sige, fine. Pero nu’ng sinabi niya na debale nandiyan naman ang asawa mo para i-angat ka, masakit na po ‘yun.”

Binalikan pa ng aktres ang ilang pagkakataon na nagkatrabaho sila ng asawang direktor — una noong  1999 para sa seryeng “Marinella.” Ngunit dahil maraming bumatikos sa kanya at kay Direk FM, nagdesisyon siyang huwag munang magtrabaho sa ABS-CBN.

“More than 20 years ago, nagsama kami sa isang soap ‘yung ‘Marinella.’ May mga demonyo rin na siniraan kami dahil lang sa relasyon namin. Napakasakit po nu’ng time na ‘yun na ako po ay nagtangkang magpakamatay.

“Hindi ko kinaya. After 10 years, hindi ako nagtrabaho kasama ang asawa ko, hindi ako nagtrabaho sa ABS para wala nang masabi ang mga tao,” paliwanag ni Rita.

Patuloy pa niya, “After so many years, pinagsama ulit kami, now he’s just careful kasi baka kung may anu-ano na namang mga sutsot ang mangyari. Mula noon, ‘Magpahanggang Wakas’ at ito na ASYAA, pangatlo pa lang po naming mag-asawa na nagkatrabaho.

“Kung ano man ang iniisip ng mga malisyoso diyan na kesyo mag-asawa kami at kasama ako sa cast, na pag-asawa ko dapat ganito, ganyan. Na parang trapo ako na wala po akong napatunayan sa sarili ko,” esplika pa ni Rita.

“Matagal na po akong artista. Sabihihan niyo nang laos ako, fine. Dahil hindi ko naman iniisip. Wala akong ilusyon na sikat ako, hello. Pero ‘yung para sabihin na kaya naman akong i-angat ng asawa ko, ‘wag ganon dahil hindi kami ganu’ng klaseng tao. Maayos po kami.

“Simple kaming mag-asawa. Maayos kaming mag-asawa alam nila ‘yan. Hindi po siya ang namimili na ilagay ako sa cast. Management po ng ABS-CBN ang namimili kung sino ang mga artistang kukunin,” lahad pa ng aktres.

Ipinagdiinan din niya na walang dahilan para tawagin siyang bobong artista, “Ako, tuwing may trabaho nagpapasalamat ako sa Diyos. Ganu’n lang ang buhay ko. Trabahador katulad niyo.

“Pero huwag na huwag niyong bigyan ng dumi ang relasyon namin just because mag-asawa kami. Nagtatrabaho kami bilang direktor at aktres.
“Hindi ko kaya ‘yun. Hindi ko kayo mapapatawad. Napakabuting tao ng asawa ko. At hindi ako bobong artista na kailangan pang hilahin niya,” hinaing pa ni Rita Avila.

Read more...