Matapos sabihing nagagamit ng maka-kaliwang grupo ang ilang artista at beauty queen, isang mamamahayag naman ang pinagdiskitahan ni Army Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa kanyang krusada laban sa komunismo sa bansa.
Binansagan ni Parlade na “propagandista” si Tetch Torres-Tupas matapos sulatin ng mamamahayag ng INQUIRER.net ang isang petisyon ng dalawang katutubong Aeta mula sa Zambales na isinampa sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.
“Congratulations for a sloppy work Tetch Torres-Tupaz of Inquirer.net. You did not even bother to check the side of the AFP and govt if what you are reporting is true or FAKE. Propagandista,” wika ni Parlade sa post niya sa Facebook noong Miyerkules.
Tinutukoy ni Parlade ay ang balitang sinulat ni Tupas, Tortured’ Aetas seek SC help against anti-terror law, na lumabas noong Martes sa INQUIRER.net. Naglabas din ng kaparehong artikulo ang mga pangunahing media network.
Ang artikulo ay base sa petition-in-intervention na inihapag ng dalawang Aeta, si Japer Gurung at Junior Ramos, na kapwa inaresto matapos magsagupaan ang mga rebeldeng komunista at mga sundalong kasapi ng 73rd Reconnaissance Division 7th Infantry Division ng Philippine Army noong Agosto 21, 2020.
Sinabi nina Gurung at Ramos na inaresto sila habang kasama ang kanilang pamilya patungo sa evacuation center sa Barangay Buhawen sa Zambales. Lumikas sila dahil umano sa takot na maipit sa sagupaan ng mga sundalo at rebelde.
Habang nakakulong, sinabi ni Gurung na nakaranas sila ng iba’t ibang anyo ng pagtortyur para umano ay paaminin na sila ay miyembro ng rebeldeng New People’s Army.
Ayon kay Gurung, isinilid siya sa loob ng sako, ibinitin na patiwarik, binugbog, sinuutan ng plastic sa ulo para ma-suffocate, at pinakain ng sarili niyang dumi.
Makalipas ang anim na araw, sinampahan ang dalawang Aeta ng kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 at illegal possession of firearms.
Sinabi nina Gurung at Ramos na mga simpleng magsasaka lamang sila at hindi rebelde.
Sila ang kauna-unahang nakasuhan kaugnay sa bagong batas ng Pilipinas laban sa terorismo.
Pero para kay Parlade, “peke ang news na yan.”
“Is this the reference of Tetch Tupas of Inquirer.net?” tanong ni Parlado habang naka-post ang screenshot ng mga artikulong inilabas ng Kodao Productions, Bulatlat.com at New York-based na Human Rights Watch kaugnay sa reklamo ng dalawang inarestong Aeta.
Ang balitang isinulat ni Tupas ay nakabase lamang sa petisyon na nakahapag sa Korte Suprema.
Pinabulaanan din ni Parlade na may naganap na insidente gaya ng sinasabi nina Gurung at Ramos.
“No such thing happened. That unit is not even there but in Davao,” wika pa niya sa kanyang Facebook post.
Pero sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sinabi nito na kumpirmadong ang 73rd DRC ng 7th Infantry Division ang nasangkot sa sagupaan laban sa mga rebeldeng komunista sa Zambales na nagresulta ng pagkamatay ng isang Army sergeant base na rin Facebook post ng 7th ID noong Agosto 22, 2020.
Nang tanungin ng isang netizen kung dapat kasuhan si Tupas, sinabi ni Parlade na, “Aiding the terrorists by spreading lies? Puede.”
Dati na ring lumikha ng kontrobersiya si Parlade nang sabihin niyang nagagamit ng mga communist front organization sina Liza Soberano, Catriona Gray at Angel Locsin kaugnay sa kanilang adbokasiya at aktibong pagtulong sa mga kababaihan at mahihirap.