Napakaraming “consumer complaints” ang tinatanggap ang Department of Trade and Industry sa mga “palpak” at manlolokong negosyante hindi lamang “offline”, kundi sa mas talamak na “online transactions sa Facebook at iba pang social media ”. Mga “substandard”, sira o palpak na produkto , non-deliveries at di-pagtupad sa pangako nito sa kanilang online advertisements. Kapag nagreklamo ka o humingi ng refund o isoli ang produkto, siyam-siyam at kabuwisitan ang dinaranas ng consumer.
Noong 2019, umabot ng 10,918 ang mga reklamo sa DTI. Pagsapit ng 2020, limang beses dumoble ito at naging 57,938. Ebidensya ito na mas tumindi ang lokohan sa kasagsagan ng pandemya. Ang mga reklamo sa “online transactions” umabot ng 15,967 , na halos 550 percent ang taas kumpara sa 2,457 lamang noong 2019. Nitong nakaraang buwan, sinasabi ng DTI na meron na silang 3,596 consumer complaints at 847 dito ay laban sa online businesses.
At talagang patuloy na tumatabo nang husto ngayon ang online shopping business. Noong 2019, bago mag-pandemya, $3B o P144 billion ang ginastos ng mga Pinoy consumers sa online. Adik na sa ‘online shopping” mapa-Facebook, TikTok, YouTube, Instagram at iba pang social media, kaliwat kanan ang bili gamit ang smartphones at desktops. Kahit di makatotohanan ang mga photo/video ng mga produkto, bili pa rin sa pamamagitan ng “cash on delivery (COD)” na 67 percent ang dami , samantalang 24 percent lamang ang credit cards.
Bago mag-Pasko, nagpaligsahan ang Shopee at Lazada sa kanilang promo. Ang Lazada ay nagkaroon ng 11-11 sale noong November at record-breaking daw sa dami ng buyers at sellers. December 12-12 sale naman ang ginawa ng Shopee at nakapagbenta ng record breaking na labindalawang milyong “items” sa loob lang ng 30 minuto.
Kung tutuusin, buong Southeast Asia ang “online business war” nitong Shopee at Lazada na hindi mapasok-pasok ng Amazon ni American billionaire Jeff Bezos. Ang Shopee ay pag-aari ng Chinese-Singaporean billionaire na si Forest Li Xiadong na ang local partner sa bansa ay ang JG Summit Holdings o iyong Gokongwei group. Ang parent company ng Lazada naman ay Alibaba ni Chinese billionaire Jack Ma na ang local partner naman ay Ayala Group. Malawak ang “merchandise ng dalawang ito at ang kanilang suppliers ay nasa mainland China at iba pang bansa sa ASEAN.
Pero, ang siste, sinasabi ng DTI na mismong Shopee at Lazada ang may pinakamaraming reklamo mula sa mga consumers. Mula Enero hanggang October 2020, umabot sa 6,907 complaints ang tinanggap laban sa Lazada at Shopee. Bukod sa dalawa , meron ding 8,962 complaints laban sa mga online sellers na ang gamit naman ay Facebook at iba pang social media.
Meron namang parehong pagsisikap ang Shopee at Lazada na linisin ang kanilang mga “online sellers” sa iba’t ibang paraan, pero kulang pa rin sa proteksyon ang mga consumers.
Ang masakit, inutil din ang DTI, dahil sa napakabagal na “proseso” sa mga reklamo at kawalan ng hurisdiksyon lalo na sa mga sellers mula sa China at ibang bansa. Katunayan , hindi pa rehistrado lahat ito at nasa 88,000 online businesses pa lamang ang nasa listahan ng DTI nitong 2020. Bukod dito, kulang sa pangil ang gobyerno dahil wala pang batas na sasaklaw sa mga transaksyong ito sa internet. Wala ring “dedicated” na tanggapan sa DTI para bantayan ang mga panloloko sa mga consumers ng mga “e-commerce companies o mga manlolokong “online sellers”.
Marahil, isa lang maipapayo natin sa mga mamamayan: maging mapanuri at huwag nang patulan ang mga “advertisement” sa Facebook at iba pang social media. Lalong lalo na kung COD ang transaksyon. Hanggat maari sabi ng DTI, huwag agad-agad na magpaloko sa mga deliveries na iyan. Kailangang buksan muna ito ng consumer bago nila bayaran.