Vice umaming mas tumindi ang hamon sa pagho-host ng Showtime: Nakakasuka siya sa pressure!

“ALAM n’yo nakakabaliw talaga ‘tong show!” Pag-amin ni Vice Ganda patungkol sa kanilang noontime program na “It’s Showtime” sa ABS-CBN.

Ayon sa TV host-comedian habang tumatagal, patindi nang patindi ang mga challenges na kanilang hinaharap para lamang maipagpatuloy ang paghahatid ng saya at inspirasyon sa madlang pipol.

Pahayag ni Vice, ibang-iba na ngayon ang style at proseso ng pagbibigay nila ng kaligayahan sa  teviewers, pati na rin sa mga nakatutok sa digital/online platforms.

“Nakakabaliw-baliw ‘tong show. Kasi, pa-evolve nang pa evolve ang platform, ang audience, ang contestant, so kailangan mong sabayan ang evolution,” pahayag ni Vice sa naganap na virtual presscon ng “Tawag Ng Tanghalan Huling Tapatan” ng “Showtime” kamakailan.

Dagdag pa ng komedyante, isa sa mga isinasaang-alang nila ay ang damdamin ng mga Pinoy na patuloy na nakikipaglaban sa mga hamon ng buhay, kabilang na ang patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

“‘Yung ginagawa namin dati sa ‘Showtime’, maraming bagay ang ginagawa namin, kung paano namin, hina-handle ang show ‘yung segments, ‘yung contestants, hindi namin puwede gawin ngayon, kasi you have to consider the pandemic.

“You have to consider yung emotions ng maraming tao, ‘yung estado ng maraming tao, parang dati parang ano kami, all out tawanan wala kaming pakialam sa mundo,” lahad ni Vice.

“Pero ngayon, you have to be sensitive, hindi puwedeng laging masaya, kasi hindi ganu’n ang emotions ng mga tao,” aniya pa.

Malaking adjustment din daw sa kanya ang pagbabago ng platform ng ABS-CBN mula sa free TV patungo sa digital space at cable TV. Kasabay nito, kailangan din nilang mag-adjust sa mga ibinabato  nilang jokes.

“Kailangan masabayan mo ‘yung change, evolve nang evolve ‘yung platform, e. Kasi, biglang from free TV, bigla kami naging cable, naiba na ‘yung audience ng cable.

“So ako, kailangan kong aralin, ano ‘yung sensibilities ng mga cable viewers. Iba siya sa free TV, tapos biglang naging digital, so ano ‘yung humor sa digital, paano tinatanggap ng digital ang palabas?

“Ano ba ang klase ang gusto nilang pinapanood? Tapos biglang bumalik na naman sa free,” sey pa ni Vice.

“Ang lala ng evolution, ang daming changes ang nangyayari araw-araw kaya nakakasuka siya sa pressure. Ang hirap-hirap. Pero nakakatuwa pa rin kasi, it’s a brand new challenge,” chika pa ng dyowa ni Ion Perez.

Birong sey pa ng komedyante, “For the longest time siguro after a decade, ‘yung kaya kong mag-host ng ‘Showtime’ kahit lasing ako. Pero noong nagkaroon ng ganitong sitwasyon, kailangan ko mag-aral ulit.

“Kailangan kong pag-aralan ang audience ko, kailangan kong alamin ang atake kung ano ang puwedeng mga jokes lang, hanggang saan lang ba, ‘yung ganu’n,” aniya pa.

Read more...