MARAMING kilalang personalidad ang hindi rin nakaligtas sa epekto ng COVID-19 pandemic lalo na sa kanilang mga negosyo.
Matindi rin ang dagok ng krisis sa kanilang mga kabuhayan lalo na noong hindi pa pinapayagang magbukas ang mga mall na karamihan nga sa kanila ay may pinatatakbong beauty salon at barbershop.
Isa na ang Ystilo Salon diyan na karamihan ay nasa malls na pag-aari ng magkakapatid na Magdayao — sina Sheila, Vina, Sheryl at Shaina.
Sabi sa amin ng in-charge sa operations na si Shiela ay Hulyo o Agosto pa sila magbubukas noon, pero mukhang naurong dahil sa lumalalang bilang ng COVID-19 cases.
Sa rami ng branches ng Ystilo ay wala namang nagsara ayon kay Sheila kaya nagpapasalamat sila dahil kahit malaki ang nawalang kita ay matatag pa rin sila.
Ang pinagtuunan nila ng pansin ay ang pinauupahan nilang bahay sa Tagaytay City na tinawag na Casa Magdayao na puwedeng-pwede aa mga pamilyang nais magbakasyon.
Oo nga, malakas ang mga Airbnb o mga mga paupahang bahay para sa family gatherings kasi nga bawal naman itong gawin sa restaurant dahil limitado ang oras bukod pa sa mga sinusunod na health protocols.
At least kung nasa loob kayo ng bahay ay mas safe lalo’t alam naman ng isa’t isa ng miyembro ng pamilya ay safe sila.
Si Vina ay maraming shows na hindi natuloy sa ibang bansa dahil sa pandemya kaya mabuti na lang at may regular show siya sa NET 25 ang “Tagisan ng Galing” at “Kesayasaya” kasama si Robin Padilla.
Sa kasalukuyan ay abala si Vina sa taping ng bagong series sa TV5 na “Dear God.”
Base sa post ni Vina sa kanyang Instagram ngayong araw, “Happy set of Dear God episode ‘Ride Home’ directed by @rekdirichard sa channel 5. Abangan n’yo po ako as Food Delivery Driver with my daughter @riva. Sharing you few of the scenes our Madayang shots in the motor di baaaaa.”
Nananatiling Star Magic artist si Vina pero nakakatawid siya sa NET 25 at TV5 at kamakailan pang ay nag-guest naman siya sa “Magandang Buhay.”