Pandemic hugot ni Regine: Mas naging importante ang relationship ngayon kesa materyal na bagay

SA kabila ng patuloy na banta ng pandemya, nagpapasalamat pa rin nang bonggang-bongga ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez dahil sa mga blessings na natatanggap niya at ng kanyang pamilya.

Isa na nga riyan ang pagkakaroon ng digital Valentine concert — ang “Freedom” na mapapanood na nga ng madlang pipol sa Feb. 14, mismong Araw ng mga Puso (via KTX.Ph).

Ayon kay Regine, grabeng kaligayahan ang nararamdaman niya dahil napatunayan niya na hanggang ngayon, sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng mga Filipino, ay patuloy pa rin ang suporta sa kanya ng mga fans.

“I just feel very very blessed, sobrang blessed kami. Sobra akong blessed,” simulang pagbabahagi ni Regine nang humarap sa virtual presscon para sa concert niya.

“Ang daming mga opportunities that are coming our way. Even though we’re having a hard time, pandemic ang dami nating pinagdadaanan pero bini-blessed at nag po-provide pa rin si Lord para sa akin at sa buong pamilya ko so I’m thankful,” lahad pa ng Songbird.

Nang matanong kung ano pa ang mahihiling niya ngayong bagong taon, sabi ni Regine sa ngayon, wala na siyang gusto para sa sarili niya. Tulad ng wish ng halos lahat ng Pinoy sa pagpasok ng 2021, sana’y  matapos na ang health crisis dulot ng COVID-19.

“Sana, sana matapos na itong pinagdaraanan natin na ito, para we could go back to our old life.

“Although, I don’t think we were able to go back to our old life kasi madami na tayong learnings dito ngayon, marami na tayong na discover about each other, we’ve become closer as a family, friends mas naging importante ‘yun kaysa sa kinikita natin, alam mo ‘yon.

“Kaysa sa mga material na bagay, mas naging importante ang relationship. So, ako I’m praying na we will not go back to our old life and we just continue with this new found learnings and life we all now experiencing,” paliwanag pa ng OPM icon.

Samantala, siniguro naman ni Regine na sa kabila ng new normal set up ng mga concert ngayon, marami pa rin silang inihandan “pasabog” sa kanyang “Freedom” concert.

Ngunit may pakiusap lang ang Songbird sa milyun-milyong Reginians, “Basta ang sinasabi ko, i-lower niyo muna nang konti ang expectations niyo this year so hopefully, I can still surprise you.

‘But the line-up of songs that we prepared I think meron kayong pasabog or masosorpresa pa din kayo, kasi ‘yung line up ng songs,” sey pa ng butihing misis ni Ogie Alcasid at hands-on mommy ni Nate.

Read more...