“MERONG gumawa ng fake news na magbibigay daw ako (ng pera). Mahirap hong gawin yan ngayon kasi may batas ho tayong sinusunod tayo.”
Ito ang bahagi ng paliwanag ni Willie Revillame matapos sumugod ang napakarami nating kababayan sa Wil Tower Mall sa Eugenio Lopez Drive, Quezon City kahapon na umasang mabibigyan ng ayuda kasabay ng 60th birthday celebration ng TV host sa “Wowowin”.
Ilang beses humingi ng paumanhin si Willie sa lahat ng nagpunta at pumila sa harap ng Wil Tower Mall kung saan naroon ang pansamantalang studio ng kanyang daily program sa GMA 7.
“Hindi ko kayo pinabayaan, gusto ko kayong ingatan. Nu’ng Tuesday ho, ine-explain ko sa inyo, bawal hong pumunta dito kasi maraming natutulog dito sa labas ng Wil Tower, diyan ho sa audience entrance sa ABS. Pero pinapaalis na po ng mga tanod ng mga barangay.
“Eh, kahapon po dumagsa ho, actually ilang araw nang dumadagsa mga tao diyan. Siguro, it’s about almost 4,000 po ang dumating,” pahayag ng Kapuso comedian.
“Siyempre, hindi mo naman matitiis ‘yan dahil nandiyan sila, bumabati naman ng birthday mo. Pero kaya lang ho, may sinusunod ho tayong batas.
“Humihingi ho ako ng kapatawaran, ng pasensiya sa inyo, sa pang-unawa, dahil alam niyo naman po na kailangang sumunod tayo sa batas, social distancing.
“Alam ko ho na gusto niyo ako mabati, gusto ko nga kayo na mapuntahan sana, pero hindi ho ako pwedeng bumaba. I’m sorry dahil pinigilan ho ako ng mga pulis dahil baka may mangyari pa na hindi maganda.
“Sana maintindihan niyo po na kaya ginawa itong Tutok To Win para hindi na kayo bumibiyahe dito,” ang paliwanag pa ni Willie kung bakit hindi siya na siya nakababa ng building.
Patuloy pa niyang paliwanag, “Nagpadala ho ng napakaraming ambulansya for safety, mga pulis, mga barangay tanod, so halos 24 oras silang nagbabantay dito.
“May gumawa kasi ng fake news na magbibigay raw ako. Mahirap hong gawin ‘yan kasi may batas tayo na sinusunod.
“Humihingi ako ng paumanhin sa mga nagpunta dito, sa mga nanay, lola, sa mga binata, dalaga, kumpleto. May mga anak pa na sanggol at meron pang mga kariton, nandoroon ang kanilang mga aso.
“Pasensiya na kayo, hindi ito ang panahon para gawin natin ‘yan para hindi tayo magkahawaan. Hindi natin masabi, baka may dumating diyan na merong sakit, magkakahawaan tayo.
“Pasensiya na kayo, hindi ko ipinagdadamot yung oras na pwede ko kayong makasama at mayakap. Sa totoo lang, nakahanda ho ako na bumaba, pero pinagsabihan akong hindi pupuwede,” lahad pa ni Willie.
Kasunod nito, tiniyak naman ng TV host na, “Pangako ko sa inyong lahat, once na matapos itong pandemya at pupuwede tayong magsama-sama uli, makikiusap ako sa pamahalaan, kung hindi man dito sa Quezon City, maaaring sa Maynila, maaaring sa MOA, maaaring sa Araneta Coliseum, siguro mas maganda sa open, sa Luneta, gagawa ako ng programa na handog para sa inyo.
“Kaya ipagdasal nating matapos na po itong pinagdadaanan natin, hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo,” dagdag pa niya.
At muli niyang paalala sa publiko, “Huwag na ho kayong gumagawa ng fake news. Kawawa ang ating mga kababayan. Galing ho ng iba-ibang lugar, wala silang pamasahe.
“Paano niyo ho bibigyan ‘yan, kapag binigyan mo ang isa, bibigyan mo yung apat na libong ‘yan. Mahirap ho, baka magkaproblema pa,” pahayag pa ng TV host.