Huli sa vaccine at ang Cha-cha

Reuters

Patapos na ang unang buwan ng taon pero hanggang ngayon ay mukhang wala pa ring katiyakan kung kailan ba talaga mababakunahan ang ating mga kababayan.

Wala pa ring maliwag na plano na inilatag at ipinaalam ang ating pamahalaan tungkol sa mass vaccination kontra sa Covid-19 maski ang ilan nating mga kapitbahay sa Southeast Asian region ay nagbabakuna na.

Nag-umpisa na ng mass vaccination sa Singapore noon pang December 30 gamit ang vaccine gawa ng Pfizer. Pati ang Indonesia, nagsimula na rin magbakuna nitong buwang ito gamit ang vaccine gawa ng Sinovac. Parating na rin sa Malaysia ang nabiling vaccine na gawa ng Pfizer na nabili noong nakaraang buwan.

Ang usaping bakuna (vaccine) kontra sa Covid-19 ay naging sentro ng usap-usapan at kaliwa’t kanang congressional (Senado at Kamara) investigations matapos mapabalita na nauna nang nabakunahan ang ilang miyembro ng Cabinet at Presidential Security Group (PSG) ng pangulo. Lalong uminit ang usaping tungkol dito, lalo na sa social media, ng napag-alaman na mukhang mas pinapaboran ng pamahalaan ang pagkuha ng vaccine na gawa at galing China maski mababa ang efficacy rate nito kumpara sa mga ibang vaccine. Lumala pa ang sitwasyon ng malaman ng taong-bayan na mahal ang vaccine gawa sa China kumpara sa iba at maaaring may tangkang corruption dito.

Ang mga ganitong usapin at bagay ay maaring naiwasan sana kung ang ating pamahalaan ay naging transparent (bukas at malinaw) lamang sa ganitong transaction at usapin imbes na iniwasan ang mga katanungan tungkol dito. Obligasyon ng pamahalaan na ipaliwanag ang mga ito. Hindi maaaring sasabihin na lang ng pamahalaan na walang magaganap na (o naganap na tangkang) corruption sa pagkuha ng vaccine na galing sa China. Pera ng taong-bayan ang gagamitin sa pagkuha at pagbili ng vaccine kaya karapatan nila na malaman ang mga detalye o bagay tungkol dito, gaya ng tamang presyo ng vaccine. Ipaliwanag sana kung bakit tila mas binibigyan preference ang vaccine na gawa sa China. Sabihin din ang tamang presyo ng vaccine na kukunin sa China. Baka sa pagsabi at pagpaliwanag ng mga ito, makita na tama ang dahilan kung bakit “made in China” ang ating vaccine na bibilhin.

Pansamantala, habang ang ating mga namumuno ay nagtatalo at nagpapaliwanag pa tungkol sa vaccine at presyo nito, gumawa naman sana ang ating pamahalaan ng legal na paraan para mapabilis ang pagdating ng isang mabisang vaccine sa ating bansa. Dahil sa kapabayaan ng ating pamahalaan, napag-iwanan na naman tayo ng ating mga kapit-bahay tungkol sa pagkuha ng isang mabisang vaccine kontra sa Covid-19.

Kailan nga ba darating ang vaccine sa atin? Naghihintay ang ating mga kababayan.

* * *

Sa kalagitnaan at habang mainit na binabatikos ng karamihan (lalo na sa social media) ang pamahalaan tungkol sa pagbabakuna ng mga ilan miyembro ng Cabinet at PSG, pati ang tila pagbibigay ng preference sa vaccine na gawa sa China, inumungkahi naman ng ilan kongresista na baguhin (amend) ang ilang provisions ng constitution, partikular yung mga sinasabi o tinatawag na “economic provisions.” Gagawin daw ang amendment sa economic provisions ng constutition sa pamamagitan ng Constituent Assembly o mas kakilala sa tawag na Con-Ass. Ito daw ay para matulungan ang ating ekonomiya sa gitna ng pandemya. Ang Con-Ass ay nangangailangan ng 3/4 votes ng Senado at Kamara para ito ay magawa. Ang hakbang na ito ay nakakabahala. Walang katiyakan na ang economic provisions lang ng constitution ang kanilang aamendahan kapag ang Kongreso ay umakto na bilang isang Con-Ass. Kapag ang Kongreso ay umakto na bilang isang Con-Ass maaari nitong amyendahan ang anumang provisions ng constitution. Maaari nitong baguhin (at pahabain) ang termino ng mga miyembro ng Kongreso o isulong ang “no election” na option sa 2022.

Kaya sa aking pananaw, ang Cha-cha sa panahon ng pandemyang Covid-19 ay isang immoral act. Ito ay hindi dapat pinag uusapan sa panahon ng pandemya habang ang taong-bayan ay naghihirap. Tayo ay nakikiisa na may mga provisions sa ating constitution na dapat na ngang amyendahan, lalo yung ilan sa economic provisions pero hindi ngayon sa panahon at gitna ng pandemya. Lalo na hindi ngayon kung kailan malapit ng matapos ang mga termino ng presidente, bise-presidente at miyembro ng mga Kongreso. 

Tamang oras o panahon ang kailangan para makapag Cha-Cha. Tamang timing ika nga. Pag usapan at gawin ito pagkatapos na pagkatapos ng 2022 election at kung wala ng pandemya.

Read more...