Duterte sa 60th b-day ni Willie: Sana magpatuloy lang ang pagtulong mo sa kababayan natin

BACK-TO-BACK-TO-BACK! Yan ang naganap na mga pagbati sa bonggang 60th birthday celebration ni Willie Revillame kanina sa “Wowowin” ng GMA 7.

Sa katunayan, ikinagulat pa ng TV host-comedian ang video greeting sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa katatapos lang na live episode ng “Wowowin.”

“Happy birthday, Willie Revillame. Sana magpatuloy lang ang pagtulong mo sa kababayan natin na hindi pinalad sa buhay. May the Almighty God bless your good heart. Happy birthday at mabuhay ka,” ang mensahe ng Presidente kay Willie.

Bumati rin ang mga bossing ng GMA sa pangunguna ni Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon. Aniya, “Hi, Willie. Happy, happy birthday. Our partnership is going stronger. We wish you more birthdays to come and more success. God bless you.”

Hindi rin nagpahuli ang mga malalapit na kaibigan ng komedyante na nakasama niya mula pa noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz. Kabilang na nga riyan sina Richard Gomez, Aga Muhlach, Tirso Cruz III, Philip Salvador, Randy Santiago, John Estrada at marami pang iba.

Pahayag ni Pip, “Willie, happy happy birthday. I just would like to take the time out and to greet you a happy happy birthday. May the good Lord continue to bless you with many, many more years at makatulong sa iba’t ibang tao.

“Thank you very much Willie for being there in times of need dahil isa na ako dun sa mga taong natulungan mo.

“Hopefully magkita tayo soon ‘pag natapos na ‘tong pandemic na ‘to at magkatuwaan naman tayo. Once, again, happy, happy birthday, and may the Lord grant the desires of your heart,” sabi pa ng award-winning veteran actor.

Mensahe naman ni Ipe, “Willie, maligayang, maligayang kaarawan sa’yo. Umabot ka na rin sa edad na nobenta, este, nabaliktad lang, sisenta.

“You know, I’m so proud of you. Alam mo naman na magkasama tayo at nakita ko kung paano ka umusbong.

“Isa lang naman ang gusto ko sa buhay mo, na ikaw ay makapagpasaya at makatulong sa marami pang tao. At dumating ‘yon sa buhay mo kasi sinsero ka at ibinigay sa ‘yo ng Diyos ang lahat ng ‘yan.

“God bless you at kung ako mawawala, mawawala tayo, sana magkasama pa rin tayo, du’n din tayo magkikita. Ang pinagsamahan natin ay ‘di ko malilimutan. I love you, Willie. Maligayang kaarawan sa ‘yo. God bless you.”

Nagpasalamat naman si Willie sa lahat ng bumati sa kanya lalo na kay Pangulong Duterte. Sabi naman niya sa mga GMA executives, “Salamat po sa tiwala at tinanggap niyo ako. Marami pong salamat at lagi nyo po akong sinusuportahan kami dito sa programang ‘Wowowin.'”

Dagdag pa niya, “Sa pamilya ko, iba ang tibok ng puso ko, dito sa Kapuso channel.”

Read more...