Itigil na natin ang network war, at nangyayari na nga siya — Perci Intalan

“ITIGIL na natin itong dibi-dibisyon o network war,” ang pahayag ni TV5 consultant and IdeaFirst producer cum director Perci Intalan tungkol sa pakikipagsanib-puwersa nila sa ABS-CBN.

Nagsimula na ito noong Linggo, Enero 24 kung saan ipinalabas na sa kauna-unahang pagkakataon ang Sunday musical show na “ASAP Natin ‘To” at ang “FPJ: Da King” movies.

Noon pa naman ay nababanggit na ni direk Perci na sana’y magkaisa na ang mga network para ang mga artista ay malayang makatawid sa lahat ng istasyon. Sa madaling salita wala na sanang exclusivity ang mga celebrities.

Nakatsikahan namin si PMI (tawag namin kay direk Perci) nitong Linggo para sa book 2 ng “Paano Ang Pangako” para sa dalawang dagdag na karakter sa cast — sina Miles Ocampo at Kyle Velino.

Sa pagpapatuloy ng TV executive, “Lalo na sa dami ng nangyayari sa mundo, iba-brand pa ba natin ang mga sarili natin ng ‘o ako ito, ikaw ‘yan?’ Matagal ng trust ng TV5 ‘yan na bukas ang pinto nila for both mga Kapamilya at Kapuso. Bukas ang pinto both ways, puwedeng pumasok, puwedeng lumabas at puwedeng bumalik, alam n’yo (media) ‘yan dati pa.

“Basta ang rule lang namin puwede ka naming makatrabaho ngayon, puwede kang bumalik sa network mo after one project then balik ulit tayo pag available ka ulit.

“I’m just happy that it’s finally happening on a bigger scale na even the management of two networks at least recognize the possibility kasi kailangan nating magtulungan.

“Tingnan mo nangyari nu’ng nagsara ang ABS, nagkaroon ng pandemic tumigil ang mga production, anong network ang pinakamaraming productions na pinatakbo, it was TV5 na who would have thought na TV5 na nagsisimula palang ulit, the smallest of the three (networks).

“Ang nagtuluy-tuloy ng production bukas ang pinto. Lahat ng networks may dahilan for doing what they do, pero ang nakaka-proud lang that it was TV5 ang pinakamaraming nasimulang production at pinakamaraming nabigyan ng trabaho sa industriya natin na alam naman natin na hirap bumangon.

“And we know it’s an eco-system di ba hanggang sa mga presscon at alam n’yo rin na TV5 ‘yung may pinakamaraming presscon nangyayari lalo na towards the end of 2020 so now na nagawa na ‘yun, nakakatuwa lang na ABS-CBN recognizes that effort and recognize the potential din of working in TV5 and ganu’n ulit, TV5 naman ‘yan possessive.

“Ganu’n pa rin, magkatrabaho tayo on this project and then some other time magkatapat tayo, it doesn’t matter,” mahaba niyang paliwanag.

At kung may mga papasok pang ibang programa ng ABS-CBN sa TV5 ay kailangang pag-usapan muna ulit kung may available slot pa, “At the end of the day, dalawang kumpanya ito na may sariling dalawang negosyo, so it has to work for both.”

Natuwa rin si direk Perci sa Kapamilya artists na nasa “ASAP Natin ‘To” nang pasalamatan nila ang bigwigs ng TV5, sina Manny Pangilinan at Robert Galang.

“Nakakatuwa na nababanggit kasi dati bawal banggitin ang mga tao sa ibang network, so I think this is a big step,” saad pa ng executive.

Samantala, masaya ring ibinalita ni PMI na aabutin hanggang Marso ang “Paano Ang Pangako” at dahil sa magandang feedback at pasok ng commercials ay umaasang mae-extend pa ito.

Read more...