NAKABAKASYON sa kanyang Residencia Katrina ang aktres na si Katrina Halili na matatagpuan sa Palawan kung saan nakabili siya ng sarili niyang farm.
Sa pagkakaalam namin may lawak itong 12 hectares na may maraming pananim, babuyan, napapaligiran ng bundok at may ilog pa sa loob ng property na overlooking ng El Nido.
Bago ang farm ay may negosyo na ring bed and breakfast si Katrina, pina-renovate niya ito para mas mag-enjoy ang kanyang mga guests.
Sa kasalukuyan ay may tenants na ang anim na kuwarto na pawang mga sundalong piloto ang umuupa at naka-lease sila roon ng isang taon. May 15 rooms nang pinauupahan sina Katrina.
Long term lease ang gusto ni Katrina sa mga umuupa sa pension house niya para hindi raw laging nagpapalit ng tao bukod pa sa sigurado na agad ang kita.
Sa kabilang building ay hotel na may 12 rooms with dive shop pero sarado pa rin ito ngayon dahil sa patuloy pa ring banta ng COVID-19 pandemic.
May sariling bahay din ang aktres kasama ang nag-iisang anak na babae kay Kris Lawrence, ang kuya at nanay niya na ang pinagkakakitaan ay buy and sell ng lupa dahil maraming nagbebenta ng lupa roon dahil na rin sa pandemya.
Good thing na nasa Palawan si Katrina kasama ang anak dahil gusto nitong ma-experience ang buhay-probinsya kung saan lumaki ang aktres.
Katwiran ni Katrina, kapag nandito raw sa Manila ay nasa bahay lang sila ng anak dahil hindi pa rin naman puwedeng lumabas ang mga bata dahil sa ipinatutupad pa ring community quarantine.
Marami raw nakabangkong episodes ang “Prima Donnas” kaya malamang na sa Pebrero pa babalik ng Maynila si Katrina kasama ang anak.
Masinop sa pera si Katrina simula pa noong mag-artista siya kaya nakakabili siya ng property na napapakinabangan niya ngayon bukod pa sa showbiz career niya.
Walong taon na ang unica hija ni Katrina at hindi naman niya ipinagdadamot ang bagets sa tatay niya. Sa katunayan, madalas daw kausap ng bagets ang daddy Kris nito pati na rin ang mga magulang ng singer.
Sa tanong namin kung hindi naman nakalilimot sa pagbibigay ng sustento si Kris sa kanilang anak, “Hindi naman nagde-demand si Kat sa father,” say ng aming common friend.
Sabagay, hindi naman dapat i-demand ang sustento ng ama sa kanyang anak, good thing kaya namang buhayin ni Katrina ang bata sa sarili niyang pagsisikap.
E, paano naman ‘yung mga babaeng walang trabaho kaya umaasa sa tatay ng anak? Yan, ibang usapan na yan.