Rocco na-stress sa military wedding: Tuloy pa ba to o re-schedule na lang natin?
NAPAKARAMING hirap at sakripisyo ang pinagdaanan ng bagong kasal na sina Rocco Nacino at Melissa Gohing para maging matagumpay ang kanilang military wedding.
Ginanap ito last week sa isang port sa Maynila sa mismong open deck ng naval warship na BRP Davao Del Sur LD602 ng Philippine Navy.
Maraming napa-wow at na-impress sa naisip na venue nina Rocco at Melissa para sa kanilang kasal, pero inamin ng mag-asawa na effort kung effort ang preparasyong ginawa nila para lang maging matagumpay ito.
Ayon kay Rocco, naisip nilang i-postpone muna ng isang araw ang kanilang kasal dahil nga nag-uuulan nitong mga nakaraang araw dulot ng low pressure area.
“Ang pinakana-stress lang talaga ako was the weather kasi sa labas ‘yung wedding tapos it was the day na may forecast na 90% uulan.
“Tuloy ba to o re-schedule na lang natin? Or dapat bibili kami ng payong. Halos ano, e, kumbaga, natulog kami ng malungkot na parang hindi mangyayari ‘yung ine-expect naming mangyari,” pahayag ng Kapuso actor sa panayam ng GMA.
Sabi ni Melissa, talagang matindi ang pagdarasal nila na biyayaan sila ng magandang panahon, “The next day, akala namin umuulan. Hindi, sobrang araw. May sun do’n sa window no’ng hotel kasi naka-stay ako sa hotel.”
Walang wedding coordinator ang dalawa kaya sila talaga ang namahala sa buong preparasyon sa tulong na rin ng kani-kanilang pamilya.
Kuwento nga ni Rocco, ilang oras bago ang kasal, abala pa siya sa pag-a-assist sa kanilang suppliers kabilang na ang kanilang florist at videographers. Akyat-baba raw talaga siya sa anim na palapag na barko.
“It was crazy so naramdaman ko na sumisikip ‘yung binti ko ng hapon kasi magang-maga na siya but, hindi, ang taas ng adreanaline ko.
“Sabi ko para maging perfect ‘yung araw na ‘to, titiisin ko ‘tong pagod na to,” ani Rocco.
Na-stress din daw si Rocco sa ideya na baka kailanganin ang barko dahil ginagamit ito sa mga misyon gaya ng gyera o relief operation.
Nakadagdag din sa stress niya ang pangamba na anytime ay maaaring gamitin ang navy ship kapag may emergency operation ang militar.
“While planning, may ganoon sa likod ng utak ko na, naku baka biglang kailangan siya. Naka-dock lang ba siya or baka may sasabihin ni presidente na kailangan pumunta dito.’ Kailangan po nilang sumunod.
“Dapat sa BRP Tarlac LD601 kami but nalaman namin na may misyon siya bigla, ayan na bumiyahe na.
“So napakaswerte namin na may isa pa na naka-dock (BRP Daval Del Sur LD602). Naka-level 1 lang, ‘di ginagamit. So happy we were able to push through,” pahayag pa ng Kapuso actor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.