Joshua umamin: Sumagi sa isip kong lumipat ng network pero hindi ko talaga magawa

INAMIN ng Kapamilya young actor na si Joshua Garcia na naisip din niyang lumipat ng TV Network noong kasagsagan ng issue sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Ngunit mas nanaig daw ang pagmamahal at pagtanaw ng utang na loob niya sa Kapamilya station kaya nanatili pa rin siya sa network.

Sa pakikipagchikahan ng binata kay Enchong Dee na naka-upload sa YouTube channel ng aktor, naglabas ng saloobin si Joshua tungkol sa naisip na pag-ober da bakod sa ibang TV network.

“Sumagi sa isip ko, pero hindi ko magawa. Ibang relationship ‘yung na-build ko with ABS, e.

“Parang naging pamilya ko sila. Parang hindi ko kayang iwan. Mananatili na ‘yung loyalty ko na sa ABS,” paliwanag ng aktor.

Aniya pa, “Siguro, nadala lang ako kasi magsasara na ‘yung ABS, tapos may pandemic pa. Kailangan ko kumita ng pera para sa pamilya ko. Eventually, magiging okay din lahat, e, unti-unti.”

Nang tanungin ni Enchong kung ano yung nararamdaman niya noong mainit nang pinag-uusapan ang pagpapasara sa network, “Tinanggap ko sa sarili ko na magsasara ‘yung kumpanya. Meron pa ring (trabaho), ilan-ilan pero hindi na tulad ng dati.”

Inamin din ni Joshua na wala siya sa mga ginanap na protest rally sa paligid ng ABS-CBN compound noong kainitan ng issue. Maraming Kapamilya stars ang nakilahok sa protesta para ipagsigawan ang suporta nila sa network.

“Hindi ako pumunta doon sa mga rally, pero 100 na nakasuporta ako. Mini-message ko pa sina Tita Cory na na sa likod lang nila ako,” sey ni Joshua na ang tinutukoy ay si Cory Vidanes, ang COO for Broadcast ng ABS-CBN.

Si Joshua ang breadwinner sa kanilang pamilya kaya ganu’n na lang ang pangamba niya na mawalan ng trabaho.

Aniya, nang dahil sa magandang kita niya sa showbiz, nagawa niyang pag-aralin ang kapatid at iba pang kamag-anak. Nakapagbibigay din siya ng monthly allowance sa kanyang ama.

Sa ngayon, may dalawang tinatapos na proyekto si Joshua, ang film adaptation ng “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” ni Bob Ong at ang Pinoy version ng “Keys to the Heart” na unang sumikat at napanood sa South Korea.

Samantala, nabigyan na rin pala ng binata ang kanyang ama ng sariling bahay sa Batangas at abala rin ito sa itinayong babuyan doon. Sey ni Joshua, nag-iipon naman siya para makapagpatayo rin ng sarili niyang bahay somewhere in Batangas din.

Read more...