MARAMING netizens ang kumampi sa “The Clash” graduate na si Jong Madaliday matapos laitin at bastusin ng mga kapwa-Pinoy.
Naisulat namin dito sa BANDERA ang ginawang pambu-bully sa Kapuso singer ng isang grupo ng mga kabataan sa online video chat na OmeTV kung saan ine-entertain niya ang mga nanonood sa kanya.
Inokray ng mga bashers ang itsura ni Jong at sinabihan ng, “Bakit ganyan ang ilong mo? Lintek na ilong ‘yan, butas-butas!”
Sumang-ayon naman ang kanyang mga tagasuporta at mga nakabasa ng naging reaksyon niya laban sa mga laiterong bashers.
Ani Jong, “MAS OKAY NA ‘YONG BUGBUGIN KA, MATATANGAL PA ‘YONG SAKIT PERO MASASAKTAN KA EMOTIONAL SH*T, ‘DI KO KAYA.
“Dito sa Pilipinas, ‘di sapat na may talento ka kasi lahat kayang gawan ng issue. Woah! Grabe, ito ‘yong time na sana sa ibang bansa na lang ako nakatira, siguro mas tanggap nila ako.
“Mas ma-a-appreciate nila ang hitsura ko, ang kulay ko, at ang talento ko. Napaka-hirap mag-excel sa Pilipinas kung ‘ganito’ ka lang (sad face emoji).”
Samantala, sa bagong post ni Jong sinabi ng binata na hindi ito ang unang pagkakataon na na-bully siya dahil sa kanyang itsura.
Ibinahagi niya sa social media ang sinabi sa kanya ng isang netizen, “Jong, kahit pa’no may pera ka na. Bakit ‘di mo pa ipaayos ilong mo. Dadami lalo [raket] mo.”
Ito ang naging reply sa kanya ng singer, “Required bang perfect ‘yong looks mo para marami ang raket? Haha, wait, gano’n ba talaga? Retoke muna bago dumami raket? Damn!”
“Minsan naisip ko rin magparetoke pero naiisip ko kasalanan ‘yon at mamatay rin tayong lahat. Ano ‘yon, magpaparetoke ka para sa mga tao, para sa raket?
“Ibig lang sabihin no’n, ‘di mo mahal sarili mo at hindi mo tanggap ang kung anong pinagkaloob sa ‘yo. Mahalin muna natin ang ating sarili bago ang iba,” pahayag pa ng binata.
Si Jong ay isang Muslim at sa kanilang relihiyon, ang pagpaparetoke o pagbabago sa kanilang itsura ay maituturing na Haram o taliwas sa kanilang pananampalataya.
Sa lahat naman ng mga sumusuporta sa kanya, “Maraming salamat sa mga encouraging comments na ipagpatuloy ko pa kung anuman ang nasimulan ko.
“‘Wag po kayong mag-alala, hindi ko ‘to pinost para kumuha ng simpatya o madismaya ako o anuman.
“Ang akin lang ilapag sa page ko na ito kung ano ba talaga ang totoong nangyayari sa ‘min na nakikipagsapalaran sa ganitong klase ng mundo.
“Pero marami pa namang Pilipino ang nakaka-appreciate sa ‘tin at lubos po akong nagpapasalamat sa lahat ng suporta at pagmamahal. Hindi po ako susuko, tuloy ang laban ng buhay!” lahad pa ng binata.
Si Jong ay produkto ng unang season ng “The Clash” noong 2018 (hosted by Regine Velasquez) kung saan itinanghal siya bilang runner-up. Regular pa rin siyang napapanood sa “All Out Sundays” ng GMA.