Produ problemado: Mga bida sa gagawing pelikula ayaw makatrabaho ang direktor

PROBLEMADO ang nakatsikahan naming direktor-prodyuser dahil ang mga artistang bibida sa pelikulang ipo-produce niya ay ayaw makatrabaho ang direktor na gusto niyang magdirek.

“Tanong nga sa akin nina ____ (mga artista sa cast), ‘bakit hindi na lang ikaw ang magdirek?’ Sabi ko, nakomisyon ko na kasi itong project kay _____ (direktor) saka may iba pa akong ginagawa,” kuwento ng direktor-prodyuser.

Ang ganda ng project na hindi rin mabitiwan ng mga artistang nakausap na ng prodyuser kaso hindi nila talaga type makatrabaho ang direktor.

May natanungan na rin kaming artistang naka-work na ng direktor na bida sa blind item na ito at umaming hindi na sila uulit pa dahil dusa talaga ang inabot nila.

Hindi raw totoong mabait ang direktor pero hindi rin naman din siya “slave driver” dahil siguro alam niya ang health protocols na hanggang 12 hours lang puwedeng mag-shooting.

“Nakakapagod siyang direktor at magastos,” ang laging sabi sa amin.

Nabanggit namin na may aktres din dati na nagsabing ayaw na rin niyang makasama ang direktor pero hindi naman nangyari dahil nakagawa ulit sila ng pelikula.

Ang mabilis na sagot sa amin ng direktor-prodyuser, “Oo alam ko ‘yan, nagsabi ng presyong ayaw si _____ (aktres), e, kinagat nu’ng producer na si _____ (direktor) ang magdidirek, kaya walang nagawa.”

Ang leading man naman ng aktres ay wala namang reklamo sa direktor dahil katwiran niya trabaho lang, walang personalan.

                          * * *

May bagong evicted housemate ulit sa “PBB Connect”, si Crismar Menchavez, ang Military Son ng Palawan na nakakuha lang ng 2.60% ng pinagsamang boto mula sa text at KUMUnitity.

Nailigtas naman sa tsugihan portion sina at Ella (12.94% of votes), Aizyl (7.47% of votes), at Alyssa (3.29% of votes).

Kasunod nito, may bagong pasok na namang housemates nitong Linggo  sa Bahay ni Kuya, sina Quincy Villanueva (Ang Brainy Balikbayan ng Laguna) at Gail Balawis (Ang Sing-Ternational Survivor ng New York) na napili ng KUMUnity.

Nakapasok na sa PBB house si Quincy, habang kinukumpleto pa ni Gail ang kanyang quarantine matapos malagpasan ang laban sa COVID-19.

Lumipad sa Los Angeles si Quincy at ang kanyang pamilya noong bata pa siya, ngunit kamakailan lang ay bumalik na sila sa bansa.

Dahil sa pangarap na mabigyan ang pamilya ng maginhawang buhay, nagsumikap si Quincy sa kanyang pag-aaral sa Amerika at nakapagtapos ng kursong Biology sa University of Southern California (USC). Nagtrabaho rin siya sa isang biotechnology company at namasukan bilang teller sa Amerika.

Samantala, laking-New York naman si Gail na nakaranas ng pambubully, pero hindi ito naging hadlang para maabot niya ang kanyang pangarap na maging mang-aawit.

Sa katunayan, nakapag-perform na si Gail ng “Lupang Hinirang” sa Pacquiao-Mayweather fight noong 2015. Bukod sa pagkanta, songwriter at podcaster din Ang Sing-Ternational Survivor ng New York.

Abangan naman ang nakakapanabik na global fancon ng PBB viewers sa Sabado (Enero 23, 11 p.m. sa Manila; 3 p.m. sa UK; 7 p.m. sa Dubai). Magsasama sa virtual fancon ang lahat ng “PBB Connect” hosts kasama ang “PBB” Season 8 housemates na sina Akie Poblete at Gabby Sarmiento.

Mapapanood ang global fancon nang libre sa iWantTFC (Facebook and YouTube), KapamilyaTFC (Facebook), ABS-CBN Online (YouTube), TFC Middle East (Facebook), TFC Europe (Facebook), at ABS-CBN (Facebook). Subaybayan ang iba pang mga pangyayari sa “PBB Connect,”  10 p.m. tuwing Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at ABS-CBN Entertainment Channel.

Read more...