Tambak ngayon sa social media ang pagsubok ng mga ‘car bloggers’ sa binuksang ‘SKYWAY Stage 3 elevated tollway’ ng San Miguel Corporation.
May kanya-kanya silang resulta. 14 minutes mula Alabang papuntang Makati, 12 minutes mula Makati hanggang Quezon City at 20 minutes Makati hanggang NLEX entrance. 34 minutes mula NAIA terminal 2 hanggang NLEX, na pawang gumamit ng “speed limit” na 60 kms bawat oras.
Nakakatuwang panoorin ang mga pasasalamat, sagot daw sa matagal nilang paghihintay, dating imposible naging posible at malaking pagbabago ito sa buhay ng mga Pilipino. Mas maaga silang makakapaghanapbuhay, mas malapit na ngayon ang kanilang upisina, trabaho o eskwela. Mas maaga rin silang makakauwi sa kanilang mga mahal sa buhay, mas malapit na ang kanilang mga “hometowns” sa mga lalawigan . At dahil diyan, hindi na sila dadaan sa parusang EDSA at C5.
Maraming dinaanang balakid ang P44.3-B SKYWAY Stage 3 na dati’y 14 kilometers lamang mula Bicutan, Taguig hanggang Balintawak QC na sinimulan noong 2014, panahon ni Pnoy. Napabayaan ito ng naturang administrasyon, at di matuluy-tuloy dahil sa “construction delays” sa mga ililipat na public utilities” at “right of way issues” sa Old Santa Mesa at V. Mapa streets.
Nalutas lamang ito dahil sa masigasig na pagpipilit ni SMC president Ramon S. Ang at pinadaan ito sa isa nilang planta sa Pandacan para kumunekta sa Araneta avenue via San Juan River kaya humaba at naging 18 kms. Nagkaroon din ng sunog doon nong Pebrero, bukod pa sa Covid-19 lockdowns mula Marso at matitinding ulan nitong Oktubre.
Hindi ako nagtataka kung bakit mas mabilis na ngayon ang traffic sa EDSA. Bago buksan ang Skyway stage 3, pito hanggang 12 kph lamang ang bilis ng biyahe sa EDSA, ngayon, ito’y nasa 20 hanggang 30 kph ang biyahe na parang “piyesta opisyal” o Linggo raw ang pakiramdam. Hindi nagkamali ang projection ng DPWH at SMC, na 30 percent ng mga behikulo sa EDSA ang mababawas araw-araw. Kahit hindi mawawala ang “traffic” sa mga lugar sa ilalim ng SKYWAY, kahit paano ay merong alternatibong daanan ang ating mga private at public vehicles kung nagmamadali.
At dahil konektado na ngayon ang NLEX at SLEX, binabantayan ko ngayon ang pangako ng SMC na magtayo ng modernong “Centralized Bus and Food terminal” sa 25 ektaryang lupa nito sa Pandacan, Maynila na konektado sa SKYWAY Stage 3.
Ang mga bus passengers mula Ilocos at Bicol ay makakarating ng maayos sa sentro ng Maynila na hindi na kailangang bumaba sa mga nagkalat na bus terminals sa EDSA at C5. Higit 1,000 public buses at UV Express bawat oras ang seserbisyuhan sa naturang terminal na ililipat naman sa mga PUJs ng Maynila sa kanilang patutunguhan.
Isang food terminal din na bagsakan ng mga produktong pagkain mula Northern at Central Luzon ang itatayo katulad ng nagsarang FTI sa Taguig, bagay na magpapabilis sa kalakalan at posibleng mas murang bilihin.
Sa kabuuan, isang napakaganda at napapanahong regalo ngayong 2021 sa mamamayan ang bagong 18 km-SKYWAY STAGE 3 , kahit pa sabihing may babayarang toll fee na P90 sa bawat gamit. Dahil sa binawasan nito ang marami nating aksayadong oras sa kalye, mas gagaang, bibilis at mapapadali ang ating mga gawain. Mas maraming “quality time” ang maibibigay natin ngayon sa ating mga trabaho at makakarating tayo sa tamang oras.
At ang pinakamahalaga, lubusang maglalapit ang bawat miyembro ng pamilyang Pilipino sa kanilang mga tahanan na dati-rati’y mas maraming oras ang ginugugol sa labas dahil sa matindi at buhul-buhol na trapiko.
Sa SMC, DPWH at kay Pres. Duterte, “Matsala”!