“WALANG stress dito!” Ang paniniguro ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro habang ine-enjoy ang bakasyon sa Ireland sa gitna ng mga balita tungkol sa bagong variant ng COVID-19 sa United Kingdom.
Sa Ireland nag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon si Glaiza kasama ang kanyang Irish fiancé at surf instructor na si David Rainey pati na ang pamilya nito. At bago mag-Christmas nag-propose sa kanya si David.
Ayon sa aktres, naging maayos at safe naman ang biyahe niya patungong United Kingdom sa kabila ng ipinatutupad na health protocols doon dulot ng patuloy na banta ng pandemya.
“Yung pagpunta ko rito, surprisingly, hindi naman siya ganoon ka-stressful. Hindi ko rin in-expect na makakarating ako dito kasi ang dami kong mga binabasa sa mga FB (Facebook) groups regarding travel,” pahayag ni Glaiza sa kanyang Facebook Live kamakailan.
Ang U.K. ay binubuo ng England, Northern Ireland, Scotland at Wales at taga-Donegal, Ireland ang future husband ni Glaiza.
Patuloy ng aktres, mas dumami lang daw ngayon ang requirements sa airport, “Yung mga iba, since nag-open naman yung Philippines ng outbound travel, subject to additional requirements.
“So, kailangan na, I think, yung additional requirements ko ay RTC-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test result na negative. Since sa U.K. ako, kailangan kong mag-fill out ng passenger locator form,” paliwanag niya.
Dagdag pa niyang kuwento tungkol sa mga safety protocols sa ibang bansa, “Aside from mga tao naka-mask, actually sa airport pagdating ng Abu Dhabi at London, hindi na sila nagpi-face shield. Ayun lang yung difference, honestly.”
Patuloy pa ng Kapuso star, “Yung dumating ako dito noon, nagkaroon ng balita about the new strain, and thankfully, kung nasaan ako ngayon, hindi naman sobrang nakakakaba kasi hindi rin naman kami masyadong lumalabas ng bahay.
“Bukod sa pagtakbo na allowed tumakbo dito or allowed mag-exercise within five kilometers. And fortunately, nagagawa namin ‘yon paglabas ng bahay nina David and allowed din mag-surf.
“Walang stress dito. Medyo nakaka-stress lang kapag nanonood ng news, pero praying na maging okay na lahat,” aniya pa.
“Malapit na rin akong umuwi, and ang kailangan ko lang gawin ay mag-present ulit ng RT-PCR negative test result bago ako sumakay ng eroplano. Pagdating ko sa airport, magsu-swab test ulit ako and I have to complete a 14-day quarantine,” chika pa ni Glaiza.