NAGPASALAMAT ang “PBB Otso” alumna na si Kaori Oinuma sa lahat ng nanood ng pa-house tour niya sa YouTube dahil umabot na ito sa mahigit 1 million views ito.
Mula sa mahigit 300k kahapon nu’ng isulat namin dito sa BANDERA na in-upload niya sa kanyang vlog ay mabilis itong nakahamig ng more than 1 million views.
Maraming supporters si Kaori ang nag-retweet ng pa-house tour ng dalagang nasa Japan at sinabing sobrang nami-miss na nila ito.
May nag-suggest din na sana ay magkaroon sila ng collab ni Fumiya Sankai na ex-housemate rin sa “PBB Otso” at kasalukuyang nasa Japan din at nag-concentrate na rin sa vlogging.
Anyway, ang bagong in-upload na vlog ni Kaori ay kuha sa Convenience Store Food Mukbang. Aniya, “Nasa labas ako ngayon at first time kong mag-vlog sa labas ng bahay.
“Kumusta kayong lahat and nandito pa ako sa Japan pero pauwi na rin naman ako (Pilipinas) soon. Bago ang lahat maraming salamat po sa lahat ng nanood ng last vlog ko ‘yung house tour thank you so much sa inyong lahat, grabe maraming salamat sa suporta n’yo and sa mga hindi pa nakapanood, subscribe na kayo guys.
“And so for today’s vlog, pupunta ako ng convenience store at papakita ko kung ano ‘yung mga meron doon at favorite kong laging binibili sa Japan, mga snacks ang madalas,” aniya.
Tulad nga ng kuwento ni Kaori sa house tour vlog niya ay tahimik sa lugar nila (kasi nasa probinsya) at naglakad lang siya papuntang convenience store at kahit mataas ang araw ay kitang-kitang malamig at windy dahil sa bukod sa naka-jacket siya ay naka-bonnet pa at hinahangin ang buhok.
Sa Family Mart convenience store siya namili ng mga kutkutin niya na umabot sa 17 piraso sa halagang 1,850 sa pera nila.
“Ngayon maghahanap ako ng place kung saan puwedeng umupo at kumain kasama ‘to (mga binili niya). Itu-tour ko rin kayo kung saan ako nag-elementary, three minutes away lang sa bahay, nilalakad lang hayan may mga student.
“Diyan sa field na ‘yan ako tumatakbo ng winter for one kilometer, grabe hindi ako sanay tumakbo ng ganu’n kahaba kaya gulat-gulat ako kasi ang lamig-lamig,” kuwento ni Kaori habang naglalakad.
Base rin sa kuwento niya ay grade 8 siya umalis ng Pilipinas at sa Japan na nga itinuloy ang pag-aaral at pagdating sa Japan ay grade 6 uli siya.
“Kasi hindi ako marunong mag-Japane nu’ng bumalik ako dito kaya pinabalik ako ng grade 6 kaya ako ‘yung pinakamatanda sa classroom namin literal,” balik-tanaw ni Kaori habang sinisipat-sipat ang eskuwelahan kung saan siya nagtapos ng elementarya.
Mababa o walang Covid-19 case sa Japan dahil ang mga bata ay pinayagan nang pumasok sa klase at nakakatuwang naririnig ang mga hiyawan nila mula sa gym kung saan sila naglalaro at nag-eehersisyo.
Sobrang linis talaga sa Japan dahil habang inililibot ni Kaori ang kanyang camera ay wala kaming nakitang mga kalat o plastic ng basura na nakasabit sa mga gate o sa gilid ng gusali na nakikita natin dito sa Pilipinas.
Finally, nakahanap siya ng upuan na nasa harap ng ilog at bahay nila, “Hayun ‘yung bahay namin. Sana makakain ako nang maayos, umpisahan na natin ang Mukbang convenience store edition. Since hindi pa ako nag lunch, unahin na natin itong onigiri, rice bowl ba tawag dito.
“Ito lagi kong binibili pag hindi ako nakapagluto for school since hindi pa ako nagla-lunch at alas-dos na ng hapon, ito na lang kainin natin (sabay pakita), tuna flavor may kanin (sabay thumbs up).”
Ipinakita rin ni Kaori ang brand ng gatas na iniinom nila na ayon sa kanya noong sa elementarya at junior-senior high siya imbes na tubig o tsaa, “Isa rin sa binibili ko itong Melon Pan at madalas ko ring baunin sa school.”
May isa pa siyang ipinakitang tsitsirya na maalat na matamis at hindi niya alam kung ano ang katulad nito sa Pinas, “Pag pupunta kayo ng Japan, ito bilhin n’yo, ang sarap. Tapos eto, kape lagi kong binibili rin pag pauwi na ako ng school dadaan ng convenience store bibili ng kape. Kape is life.
“Itong sausage na para siyang hilaw pero luto naman siya at masarap. Ito, pickled plum, merong dry nito at may buto, mas bet ko ito kasi walang buto medyo mahal nga lang. Maasim siya, pero lagi kong kinakain kasi masarap at nag-uwi rin ako nito sa kuya ko sa Pilipinas tapos nagustuhan naman nila. Ito Baby Star ramen, ito ‘yung ramen na hindi pa luto pero nakakain.”
Ang dami pang ipinakitang kinain ni Kaori at nalaman na nga ng lahat na malakas pala siyang kumain. Ha-hahaha!