Alma, Ara type makatambal si Piolo; Osang mas trip si Diego Loyzaga

KUNG gagawa ng May-December affair movie ang mga dating sexy stars na sina Rosanna Roces, Maui Taylor, Ara Mina at Alma Moreno, sino sa mga young actor ngayon ang nais nilang makatambal?

Sinagot yan ng apat na bida ng pelikulang “Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar” sa ginanap na virtual presscon kamakailan mula sa Viva Films at VinCentiments na idinirek ni Daryll Yap.

Sabi ni Maui, “Ako si Marco Gumabao.” Wala siyang ibinigay na dahilan kung bakit.

Say naman ni Alma, “Teka, wala akong maisip, parang masyadong bagets.”

Hirit ni Giselle Sanchez na nagsilbing host sa mediacon, “Siguro kahit medyo senior ng konti.” “Piolo Pascual lang ako, eh,” dugtong ni Alma.

Tila nagtampong sabi naman ni Ara, “Nakakainis ka Ate Ness. Inagawan mo ako. Piolo rin ako kasi matagal ko na rin siyang gustong maka-work. Belated happy birthday sa kanya, birthday niya (Jan. 12).”

Sagot naman ni Osang, “Medyo mahirap na ‘yang tanong na ‘yan kasi gumaganap na akong nanay nila lagi, di ba? Ang gagaling ng mga bagets ngayon. Kung papipiliin ako baka si Diego Loyzaga.”

“Hindi ka ba pagagalitan ni Teresa (Loyzaga)?” balik-tanong ni Giselle kay Osang. “Hindi, magkabarkada kami kaya mas maganda. Ha-hahaha!” tumawang sagot ni Rosanna.

Singit naman ni Ara, “May Barbie (Imperial) siya.”

“Okay lang, hawig naman kami ni Barbie, pareho kaming mukhang manyika. If not Diego siguro si Joseph Marco na napakagaling ding umarte. Gusto ko sanang sabihing Jake Cuenca kasi napakagaling ding umarte no’n kaso anak ko na siya sa Los Bastardos, so inisip ko kung sino ang hindi ko gaanong nakatrabaho sa Los Bastardos, I think si Diego. Napakagaling na aktor pag nadire-diretso ‘to pag nagkaedad pa (mas gagaling),” papuri nito sa aktor.

Sa “Gusto Kong Maging Pornstar” ay sina AJ Raval, Rose Van Ginkel at Ana Jalandoni ang mga baguhang tuturuang maging “pornstar” ng mga dating sexy stars.

Si AJ Raval, anak ng ‘90s action star na si Jeric Raval, ay handa nang makilala bilang sexy actress, gayundin sina Rose Van Ginkel (Talk Back and You’re Dead), na isa ring recording artist ng Viva Records, at Ana Jalandoni, na kilala bilang isa sa mga Sexy Angels sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at isa ring content creator sa Oomph TV.

Ang “Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar” ay palabas na simula Jan. 29, at sa halagang P149 ay mapapanood ito sa Vivamax Originals, sa pinakabagong steaming app na Vivamax. Mag-subscribe lang sa VivaMax, ang pinakamalaking library ng mga pelikulang Pinoy, teleserye, concerts at mga orihinal na produksyon.  Bumisita sa www.vivamax.net at sumali na! Atin’to!

Read more...