SA ginanap na finale zoom mediacon ng “The House Arrest of Us” na magtatapos na bukas, ay natanong si Daniel Padilla kung ano ang take niya sa COVID-19 vaccine.
Kung siya ang tatanungin, papayag ba siyang magpabakuna kaagad pagdating nito sa bansa at kung magiging choosy ba siya sa klase o brand ng vaccine na ituturok sa kanya?
Nagpaka-safe sa pagsagot ang boyfriend ni Kathryn Bernardo, “It’s a good question pero masyado pang mainit at baka mapaso tayo. So, maghihintay pa tayo ng mga detayle about sa vaccine.
“Dahil hanggang ngayon naman ay hindi pa napa-finalize kung ano ang mangyayari. So huwag muna tayong magsalita ng hindi pa finalize ang mga bagay at baka mapaso tayo sa niluluto natin,” nakangiting sagot ng binata.
Hanggang ngayon kasi ay mainit pa rin ang debate ng mga netizens, politiko at ilang celebrities lalo na’t ang bakunang mula sa China ay tatlong beses ang mahal kaysa sa ibang brand na galing sa ibang bansa.
Maging si Sen. Grace Poe-Llamanzares ay nagpahayag sa publiko na may karapatan silang mamili kung anong brand ng bakuna ang gusto nila dahil sariling pera naman nila ang ipambabayad dito.
Samantala, natanong naman ang direktor ng “The House Arrest of Us” na si Richard Arellano kung may sequel ang series ng KathNiel.
“Siguro House to House Arrest (titulo). Dine-develop na sa mga kuwentuhan namin. Tinitingnan namin ang mga possibilities, puwedeng out of the country, sa season 3 siguro ‘yan.
“Out of town muna ‘yung season 2. Maraming naglalaro sa mga utak namin actually, ng buong cast, nagbi-brainstorm kahit paano kapag nagkikita-kita kami kasi excited kami na magkaroon ng season 2 ang The House Arrest of U,” saad ng direktor.
Mapapanood ang pagtatapos ng #THAOUFinaleEpisode bukas, Sabado, Enero 16, 2 p.m. sa KTX.ph at 9 p.m. sa iWantTFC at TFC IPTV.
* * *
Suportado ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas ang inihaing panukala ni Senate President Vicente Sotto III noong Enero 4, 2021 sa Senado upang mabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN.
Kaya naman naghain din ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na inisponsor ni 6th District Board Member Bibong Mendoza, at tinalakay at naipasa sa kauna-unahang regular session ng panlalawigang sanggunian para sa taong 2021 noong ika-11 ng Enero 2021, na pinangunahan ni Vice Gov. Mark Leviste.
Si Vice Governor Mark ay isa sa cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano” bilang kanang kamay ni Richard Gutierrez na gumaganap bilang si Lito.
Sabi ni Sen. Tito, ayon sa isang SWS survey noong 2019, ang telebisyon ang nananatiling nangunguna sa mapagkukunan ng balita ng 69% ng mga PiIipino o ng 45 milyong indibidwal.
Pinapalitan ang TV stations ang kanilang news programs ng anime o cartoon dahil wala naman silang kakumpitensya sa naturang larangan, katulad ng ABS-CBN.
Kaya binigyan diin ni Bokal Mendoza ang resolusyon at maituturing na national issue na nagkaroon ng malawakang epekto sa pagsasara ng ABS-CBN sa Batangas at buong rehiyon ng Southern Tagalog.
Kailangan ng bansa ang lahat ng mga TV networks at nasabing istasyon (ABS-CBN) lamang ang mayroong mga provincial at regional channels na nagtatampok sa mga balita at isyu sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.