8-taong bata bumili ng higit P100K mobile games gamit ang debit card ng magulang

Batang lalaki bumili ng higit P100K mobile games gamit ang debit card ng magulang

Laking gulat ng ina ng 8-anyos na batang lalaki mula sa Davao City nang matuklasan nitong umabot sa higit P100,000 ang nagastos ng kanyang anak matapos itong bumili ng mga mobile games online sa loob lamang ng dalawang araw.

Nag-viral ang Facebook post ng 39-anyos na ina na si Julmar Grace Locsin tungkol sa anak niyang si Tice na hindi sinasadyang makabili ng nasa daang-libong halaga ng mobile games kamakailan habang naglalaro ito at ang kanyang kakambal na si Sovi gamit ang cellphone ng kanilang ama.

Sa panayam ng INQUIRER.net, ikinwento ni Locsin ang buong pangyayari bago niya nakita sa bank statement ng kanilang family business noong Miyerkules, Enero 6, ang mga transaksiyong nagawa ng anak na si Tice nang walang kamalay-malay.

“We control their tech time. They are only allowed two hours a day of mobile phones and the apps [that] they are allowed to use are only Superbook, Messenger Kids, and War Robots, especially for Tice because he loves robots,” aniya.

Nais daw kasi ng kanilang anak na maging isang “robotics expert” balang araw, kung kaya naman para sa kanila, ito ay isa sa mga paraan upang maipakita ang suporta sa pangarap nito.

Ayon pa kay Locsin, noong una ay inakala nila ng kanyang asawa na nasa P40,000 lamang ang kabuuang halaga ng mga nabiling laro ni Tice. Subalit nang mai-proseso ang refund para sa mga transaksiyong ito, lumalabas na higit P100,000 pala ang lahat-lahat ng nagastos ng kanilang anak para sa 58 mobile games na kanyang idinownload mula sa Google Play, pati na rin sa mga bayad na bersyon ng ilan sa mga larong ito.

Hindi naman itinanggi ni Locsin na binigyan niya ng pagdidisiplina ang kanyang anak at pinagpaliwanag ito dahil sa nangyari. Aniya, may usapan sila na hanggang tatlong laro lamang ang maaaring i-download ng kambal, ngunit hindi nasunod ni Tice ang kanilang patakaran.

Sa paliwanag umano ni Tice ay sinabi nitong “boring” kasi ang mga naunang laro na kanyang nai-download at ang akala niya ay libre lamang ang mga ito. Matapos mapagsabihan ay umiyak ito at nag-sorry rin sa kanyang mga magulang, at agad naman nila itong pinatawad.

“We explained that they are worth more than all the money in the world, but following rules is also a good life skill to abide [by],” saad ni Locsin sa kanyang FB post.

“It was a life lesson we wanted to emphasize. For us, we don’t mind the money, we wanted them to know how important these lessons are especially when they [grow up] and lead their own families,” aniya pa.

At dahil sa nangyari, nilagyan na ni Locsin at ng kanyang asawa ng parental controls, pati na rin ng password para sa bawat transaksiyon ang kanilang Google Play app.

Read more...