Habulin ang lumustay sa ‘pork’

BUWAGIN ang pork, buwagin ang pork. Ito ang panawagan ng marami. Sige na mali na ang paggamit, pero parang nalilihis na tayo sa isyu.

Ang panawagan na buwagin ang pork ang nakikitang solusyon ng marami. Pero pork barrel ba ang may kasalanan kung kaya nagkaroon ng korupsyon.

Ang mas tama sigurong ipanawagan ay parusahan ang mga gumamit nang mali sa pondo ng bayan.

Kahit na buwagin ang pork ay hindi pa rin matitigil ang korupsyon. Bakit?

Kung mawawala ang pork barrel, mananatili pa rin naman ang mga ahensya ng gobyerno na siyang nagpapalabas ng pondo kaya nagkaroon ng katiwalian.

Iniisip ko tuloy, baka may mga “spin doctor” na nagpapaypay sa apoy ng mga rally para ito ang pumasok sa utak ng tao para matabunan at makalimutan ‘yung mga tao na dapat ay maparusahan.

Ang ginagawa ng mga “spin doctor” (o yung mga tao na ang papel sa mundo ay magmanipula ng isyu para sa kapakanan ng kanilang mga boss) ay gumagamit ng mga isyu para malihis ang atensyon ng publiko.

Dapat siguro ay ipanawagan din ang pagpaparusa sa mga taong may sala. Dapat din itong tutukan ng publiko.

Ang lahat na pera na ipinapalabas ng Department of Budget and Management ay hindi nangangahulugan na sila ang gumagastos.

Kapag nakumpleto ang mga requirement, ipinapalabas ng DBM ang pondo papunta sa mga ahensya na magpapatupad o magi-implement nito.

Hindi ang DBM ang nakikipag-usap sa mga contractor.

Ang nakikipag-usap sa mga contractor ay ang mga ahensya gaya ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources at iba pa.

Ang mga ahensyang ito ang namimili ng mga contractor na siyang magpapatupad ng proyekto.

Kung sa pork barrel o Priority Development Assistance Fund ng senador o kongresista manggagaling ang pondo, sa mga implementing agency pa rin ito daraan.

Kaya naman kung mali o may anomalya o iligal ang proyektong napili ng mambabatas, may choice ang mga implementing agency na huwag itong ipatupad.

Pwede nilang ibalik ang pondo sa DBM at sabihin na “Hoy masasayang ang pondo ng bayan dito!”

Kaya naman tiyak na merong kasabwat sa mga implementing agency sa pagpapatupad ng mga “ghost projects”.

Hindi ang DBM ang namili sa mga bogus na organisasyon ng wanted na si Janet Lim Napoles, na nabigyan ng pork barrel.

Dapat din siguro ay bilis-bilisan ng Commission on Audit ang pagtatrabaho at tiyakin na tama ang kanilang mga nakukuhang datos.

Nang mag-presscon ang COA, marami ang nagtaka dahil para kasing first time itong nangyari—ang pagpapalabas ng kanilang report sa harap ng kamera.

Sa pagpapalabas ng budget ng DBM, napupunta ang triplicate copy ng dokumento ukol sa pagpapalabas ng pondo sa COA.

Kaya dapat hindi sila mahirapan na mahanap ang COA kung saan napupunta ang pera ng bayan.

Dapat din siguro ay malaman ng publiko kung ano na ang pagbabagong nangyari sa paggastos ng pork barrel.

Tandaan na ang inilabas na special audit ng COA ay 2007-2009. Bago nagsimula ang administrasyong ito.

Baka naman may mga pagbabago na. Bakit ko nasabi?

Marami kasing kongresista ang umiiyak dahil hindi na nila nagagawa ngayong gastusan ang pinaggugugulan nila ng pork barrel dati.

Read more...