Nanghingi na ng tulong si Sharon Dacera sa Presidente sa gitna ng masalimuot at wala pa ring linaw sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. Naniniwala pa rin ang pamilya ng biktima na may foul play sa pagkamatay nito.
“Patuloy lang yung laban. Hindi ko titigilan habang hindi napaparusahan yung gumawa sa anak ko. Tatay Digong, kailangan ko po kayo sa laban na ito. Tatay Digong.
“Tay, I need more prayers, but yung kamay na bakal para sa mga taong gumawa nang ganito karumal-dumal sa anak ko po, Tatay, parusahan niyo na po. Parusahan niyo na po,” panawagan ng nanay ni Christine.
Nagbigay din siya ng reaksyon sa naging pahayag ng mga taong isinasangkot sa kaso na mariing nagdenay sa ibinibintang sa kanila, partikular na sa tatlong kaibigan ng biktima na pinalaya rin ng pulisya dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Hirit ng ina ni Christine, “E, di wow nga. E, di wow, wow, wow. Ganoon na lang sabihin ko sa kanila.”
May mga kumampi kay Sharon sa mga bagong pahayag niya tungkol sa kaso at sa paghingi niya ng saklolo kay Duterte. Pero marami rin ang nam-bash sa kanya lalo na sa paraan ng pagsagot niya sa tanong tungkol sa mga suspek.
Kagabi, humarap naman sa media sina Rommel Galido, Dela Serna, Clark Rapinan at Valentine Rosales para ipagsigawan na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Christine.
Samantala, nagsalita na rin ang tiyahin ni Christine na si Mary Grace Rosario tungkol sa pagpapalaya sa mga suspek, “Hindi natin maiwasan. Wala naman kasi tayong puwedeng ituro sa kanila, ongoing pa ‘yung investigation.
“So, sa ngayon, ipinagdadasal na lang talaga namin na sana lalabas din talaga iyong totoo,” aniya.