15 katao kinasuhan sa DOJ dahil sa pamimirata ng pelikula sa MMFF 2020

UMABOT sa 15 katao ang sinampahan ng kaso dahil sa umano’y pamimirata sa ilang pelikulang kasali sa 2020 Metro Manila Film Festival.

Pormal na kinasuhan ng Optical Media Board (OMB) ang mga suspek sa Department of Justice sa paglabag ng mga ito sa Republic Act 9239 o Optical Media Act at Republic Act 8293 o Intellectual Property Code.

Ito’y base na rin sa reklamo ng mga producers ng mga pelikulang pinirata habang nagaganap ang 2020 MMFF sa pamamagitan naman ng Upstream streaming site na siyang tanging binigyan ng lisensiya para maipalabas ang 10 MMFF entry.

“Doon sa post nila, nakasulat ‘yung names ng movies, even ‘yung amount kung magkano and may instructions pa sila on how to download the same, and kung paano magbayad, kasi may modes of payments sila through online eh,”

ang pahayag ni Atty. Cyrus Valenzuela, Chief Legal Counsel ng OMB sa panayam ng “QRT” sa GMA News TV.

Dugtong pa niya, “This is a test case, we are hoping that they will be indicted for this.”

Base sa nakalap na report ng OMB,  may 40 streaming site na silang natunton na nag-aalok ng mga piniratang pelikula sa online.

Nabatid na ibinibenta ng mga pirata ang mga pelikula sa taunang filmfest sa halagang P10 hanggang P20 mula sa original na presyo nitong P250.

May tatlong suspek nang naaresto ang mga operatiba ng OMB at balitang na-inquest na rin ang mga ito. 

Kapag napatunayang nagkasala, maaaring makulong ang mga namimirata hanggang 12 taon at multa na aabot sa P100,000.

Samantala, kamakailan lang ay kinondena rin ng grupong AKTOR na nina Dingdong Dantes ang pamimirata online.

Nanawagan ang mga celebrities na miyembro nito na  huwag makipagsabwatan sa mga pirata na maituturing ding mga magnanakaw.

“Nais naming ihayag ang aming lungkot at dismaya dahil sa nagawa pa rin ng mga piratang lantarang nakawin ang mga pelikulang inihain ng aming industriya nitong nakaraang MMFF,” bahagi ng official statement ng AKTOR Inc.

Read more...