Sinalakay ng mga nagpupuyos na tagasuporta ni Pangulong Donald Trump ang sesyon ng Kongreso ng US para madiskaril ang nakatakdang pagpapatibay sa pagkapanalo ni Joe Biden sa pampanguluhang eleksyon noong nakaraang taon.
Gumulantang sa buong mundo ang larawan ng US Capitol Building sa Washington na binabayo ng kaguluhan at karahasang dulot na rin ng mga maaanghang at mapanulsol na talumpati ni Trump na puno ng mga walang katotohanang paratang na dinaya siya sa halalan.
Habang iwinawagayway ang mga bandera ay binaklas ng mga raliyista ang barikada sa labas ng gusali ng Capitol at sumugod sa loob, ginalugad ang mga opisina, at nilusob ang karaniwa’y mataimtim na plenaryo.
Namatay ang isang babae matapos mabaril sa loob ng Capitol, ang luklukan ng lehislatibong sangay ng federal na pamahalaan ng US, habang ang iba ay nasaktan, ayon sa pulisya. Inilikas ang mga mambabatas na nakasuot ng protective mask habang naghahagis ang mga pulis ng tear gas sa lumulusob na kapanalig ni Trump.
Isang tagasuporta ni Trump na naka-maong at baseball cap ang nakunan ng larawan na nakataas ang paa sa mesa ni House Speaker Nancy Pelosi, kung saan may mapagbantang sulat pa na iniwan.
Inakyat naman ng iba ang mga pataas na upuang inihanda para sa nakatakdang inagurasyon ni Biden sa Enero 20, hawak ang banner na may nakasulat: “Kaming mga mamamayan ang magpapaluhod sa DC/Mayroon kaming kapangyarihan.”
Tinawag ni Biden ang kaguluhan na isang “insureksyon.”
“Ang ating demokrasya ay nasa ilalim ng hindi pa napapantayang pagsalakay,” wika ni Biden sa kanyang pahayag.
“Ang matinding kaguluhan sa Capitol ay hindi sumasalamin sa totoong imahe ng Amerika,” dagdag niya.
“Hindi ito isang anyo ng pagtutol. Ito ay isang kawalan ng kaayusan. Ito ay kaguluhan. Tumutungo ito sa sedisyon. Nararapat itong ihinto na ngayon.”
Matapos ito ay naglabas ng video si Trump na nananawagan sa kanyang mga tagasuporta na lisanin na ang lugar. Pero iginiit pa rin niya ang walang katibayang mga paratang na dinaya siya sa eleksyon.
“Kailangan nating magkaroon ng kapayapaan. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga bahay. Mahal namin kayo — napaka-espesyal ninyo,” ani Trump.
Sa di karaniwang hakbang, nilimitahan o di kaya ay tinanggal ng mga higanteng social media companies ang video dahil ito umano ay nag-uudyok ng karahasan.
Sinabi ng mga awtoridad na matagumpay nilang napaalis ang mga nagra-riot sa Capitol matapos ang halos apat na oras. Pero may ilang daan pa ring mga tagasuporta ni Trump ang nananatili sa labas bagama’t idineklara sa buong siyudad ang 6:00 ng gabi na curfew.
Ang kaguluhan sa Capitol ay naganap isang araw matapos na makamit ni Biden ang panibagong tagumpay, ang nakatakdang pagkakuha ng Democratic Party sa dalawa pang pwesto sa Senado na mangangahulugan ng buong kontrol ng partido sa Kongreso.
Sinabi ng mga istoryador na ito ang unang pagkakataon na nalusob ang Capitol mula pa noong 1814 nang sunugin ito ng mga British noong Digmaan ng 1812.
Sa mahigit na dalawang-daang taon, ang mga seremonyal na aktibidad ng Kongreso gaya ng sertipikasyon ng mga nagwagi sa halalan ay matahimik. At ang matiwasay nitong imahe ay naglaho sa isang iglap matapos na sulsulan ni Trump ang mga myembro ng Republican Party na huwag tanggapin ang resulta ng halalan.
“Ang Pangulo ng Estados Unidos ay nag-uudyok ng kudeta. Hindi kami matatakot. Hindi kami maaaring pigilan,” ayon sa tweet ni Democratic Representative Karen Bass.
Kinundena ng iba’t ibang lider sa mundo ang hindi mapapantayang kaguluhan sa bansang itinuturing na simbolo ng demokrasya sa buong daigdig.