UMIIYAK na nag-sorry si BB Gandanghari sa kapatid niyang si Robin Padilla at sa dalawang veteran TV host-entertainment columnists na sina Lolit Solis at Cristy Fermin.
Bago mag-Bagong Taon, nag-post ng vlog si BB (dating si Rustom Padilla) sa kanyang YouTube channel na may titulong “BB.mornyts vloG #73: BB.uncut Reflections 2020…Countdown to 2021!!” Nakasama niya rito ang aktres na si Princess Punzalan sa pamamagitan ng Zoom.
At dito nga niya ipinahayag ang aniya’y taos-puso niyang paghingi ng tawad sa mga taong nasaktan niya nitong nagdaang taon, kabilang na nga riyan ang utol niyang si Binoe pati na ang asawa nitong si Mariel Rodriguez at sina Manay Lolit at Tita Cristy.
“May mga nasaktan ako and I don’t know how to reach out and really say sorry. I wanna apologize,” unang pahayag ni BB.
“Siguro gusto ko na lang umpisahan kay Robin. Alam ko may mga nasabi ako na pwedeng hanggang ngayon, pwedeng nakasakit sa pamilya niya. Alam ko nakasakit sa pamilya niya, nakasakit sa kanya, nakasakit sa asawa niya. Pinagsisisihan ko lahat yun.
“I shouldn’t have said anything. Kung pwede ko lang burahin, kasi I think it’s really unfair,” lumuluhang mensahe ni BB.
Pagpapatuloy pa niya, “May mga panahon din na naging mainit ‘yung palitan, kay tita Lolit at saka kay Cristy Fermin. Gusto ko lang silang banggitin ngayon kasi I must admit I was really quick to react at that time.
“I was very defensive of what I was hearing or reading. Hindi talaga ako nagbasa kung ano ‘yung nangyayare, react lang ako nang react.
“Maybe at that time naghahanap ako ng tamang kausap para bigyan ako ng better perspective of what’s going on. Pero wala, eh.
“So I was just really taking it, and then siguro dahil sa pagkukulang ng isang tao, hindi ko nakita ‘yung dapat kong makita in the most level headed way,” paliwanag pa niya.
“Humihingi ako ng tawad kay tita Lolit kasi hindi ko dapat sinabi ‘yung mga bagay na nasabi ko against her. She doesn’t deserve it. Nakalimutan ko ang respeto. I’m really sorry,” ani BB.
“The same goes to tita Cristy. Nakalimutan ko ‘yung trabaho nila. I should have respected that,” dugtong pa niya.
Kung matatandaan, naglabas ng sama ng loob si BB kay Binoe dahil umano sa hindi nito pagbibigay halaga sa nararamdaman niya.
Nakapagsalita rin siya nang hindi maganda laban kina Manay Lolit, Tita Cristy at Ai Ai delas Alas nang magbigay ang mga ito ng kanilang reaksyon sa mga pinagsasabi niya sa kanyang mga vlogs.