2 ‘PBB’ housemates na sumuporta sa ABS-CBN shutdown nag-sorry, pinatawad ni Kuya

DALAWANG “Pinoy Big Brother: Connect” housemates ang “nangumpisal” kay Kuya tungkol sa pagsang-ayon nila noon sa issue ng ABS-CBN shutdown.

Inamin nina Russu Laurente at Crismar Menchavez na kasama sila sa mga grupong nais maipasara ang TV network sa pamamagitan ng hindi na pagbibigay ng prangkisa rito.

Sa nakaraang episode ng “PBB Connect” nakipag-usap sina Russu at Crismar kay Big Brother sa loob mismo ng confession room.

“Marami pong nagsasabi sa akin, ‘Di ba noong panahon is halos sumang-ayon ka o sumama ka sa mga nagpapasara? Bakit ngayon nag-audition ka sa Big Brother?’

“Sinabi ko po talaga nang harap-harapan sa kanila na ‘yung mga panahon na iyon ay hindi ko pa nari-realize or nalaman ‘yung totoong sitwasyon.

“Kumbaga hindi ko pa nalagay ‘yung sarili ko sa sitwasyon ng mga taong iyon,” pahayag ni Russu.

Sabi naman sa kanya ni Kuya, “Nakakabitaw tayo ng salita, nanghuhusga tayo base sa mga hindi kompletong impormasyon. Madali tayong maimpluwensyahan o madala sa opinyon ng iba kaya naman hindi naging tama ito.

“Alam ko na iba’t ibang tao may kanya-kanya at may iba’t ibang opinyon pero ang magnais ng kapahamakan sa iba, ito ay hindi katanggap-tanggap,” sabi pa ni Kuya.

Sagot nama ni Russu, “Alam ko po kuya na nasaktan po kayo na minsan po isa rin ako sa mga sumang-ayon sa pagpapasara ng iyong tahanan noong mga panahong hindi ko pa alam ‘yung mga nangyayari, ‘yung mga totoong nangyayari po sa mga nakikita ko po kuya.

“I’m sorry po kuya kung nasaktan ko po kayo at ‘yung pamilya po ng ABS-CBN,” aniya pa.

“Tulad nga ng sinabi ko Russu at palagi kong sinasabi, hindi dapat nagiging basehan ang ating nakaraan para manghusga ng pagkatao at sa pag-ako ng pagkakamali natin, iwan na natin ang mga pagkakamaling ito.

“Nawa’y lahat tayo’y may matingnan na bagong kinabukasan sa bagong tao na ito. At Russu sa pagbatikos mo, sa pagsuporta sa pag-shutdown ng tahanang ito, tinatanggap ko ang pagpapakumbaba mo. Kahit ganon ‘yung nangyari, naging bahagi ka na rin ng pamilya ito,” mensahe pa ni Big Brother sa kanya.

Sabi naman ni Crismar, totoong sang-ayon siya noon sa pagpapasara sa Kapamilya Network, pero hindi niya raw ito ipinost sa social media.

Sabi ng binata kay Big Brother, “Humingi po talaga ako ng tawad kuya kasi alam ko once in my life, parang I don’t care na maikling time lang ‘yun na nag-agree ako.

“But I did agree sa thought ko na nag-yes ako sa thought ko, kahit hindi ko siya pinost or everything but I agreed to the shutdown and I am ashamed of it and I’m sorry po talaga kuya,” paliwanag niya.

“‘Yung mga panahon na ‘yun, iyon ay hindi naging madali sa akin, ‘yun ay isang madilim na pagkakataon at pangyayari sa buhay ng Kapamilya pero ito ay pamilya na bahagi ka na. Tinatanggap ko ang paghingi mo ng pagpapatawad,” sabi ni Kuya kay Crismar.

Read more...