Makatutulong sa Pilipinas ang kahalintulad ng nilagdaang $900 billion pandemic relief package ni US President Donald Trump.
Ayon sa National Telecommunications Commission, naglaan ang Washington sa ilalim ng aprubadong stimulus package ng $7 bilyon para masiguro ang access sa broadband ng milyun-milyong mamamayan ng US na dumadanas ng pinakamalalang kaso ng Covid-19 sa buong daigdig.
Inilaan ang $3.2 bilyong emergency broadband benefit para sa mga pamilyang mahihirap sa layuning masiguro na may kakayahan pa rin silang manatiling online ngayong ang pandemya ay nagtulak sa milyong Amerikano na magtrabaho, mag-aral at mag-communicate mula sa kanilang mga device sa sariling tahanan.
Sinabi ng NTC na kung mayroong kahalintulad na relief package sa Pilipinas, makatutulong ito sa mga estudyante na nag-aaral sa ilalim ng blended learning at sa mga empleyado na naka-work from home.
“The stimulus legislation is indeed great news during these difficult times when people have to stay connected given the limitations on movement brought about by the pandemic,” ayon sa NTC.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority, 3.8 milyon pang Pilipino ang walang trabaho hanggang nitong Oktubre 2020.
Ibig sabihin sila ay nangangailangan ng oportunindad na kumita ng pera gamit ang internet.
Sa ulat naman ng mga telco, tumaas ng 500 percent ang data usage nang mag-umpisa ang pandemya.
Idiniin ng NTC na kung nais ng Pilipinas na mapabilang sa mga world class na bansa pagdating sa internet connectivity at bilis ng internet service, kailangang mamuhunan ang pamahalaan sa broadband.
Kinakailangan ng Department of Information and Communication Technology o DICT ng inisyal na P18 bilyon para maipatupad ang National Broadband Plan.
Pero sa halip, tinapyasan ang DICT budget increase sa bicameral committee sa P956 million lamang.
Ikinadismaya mismo ni Sen. Panfilo Lacson ang pagkaltas sa naturang budget dahil hindi ito tugma sa kinakailangan halaga upang maihatid ang bansa sa pagiging world class.