Kilalang character actor hindi sumipot sa shooting, sinugod sa bahay ng production staff

TAKANG-TAKA ang production staff ng isang pelikulang sinu-shoot ngayon ng character actor kung saan may mahalagang role siyang ginagampaman.

Ilang beses na kasi siyang tinatawagan ng staff para sabihin na malapit nang kunan ang nga eksena niya  pero hindi siya sumasagot hanggang sa “cannot be reached” na ang kanyang cellphone.

Lukang-luka ang staff dahil ilang sandali na lang ay kukunan na ang character actor kasama ang bida sa pelikula pero dedma pa rin ito. Dalawang oras na siyang late sa call time.

Hindi naman puwedeng dayain o i-double ang character actor dahil kakaiba ang kanyang aura at laging close-up ang kuha sa kanya.

Kaya ang ginawa ng production staff ng pelikula ay pinapuntahan siya sa bahay nila at kinatok to the maximum level ang kanyang pinto.

Hayun, napahimbing pala ang tulog ng kawawang aktor dahil sa matinding pagod dahil may lagare rin pala ito sa isang network kung saan naman siya may regular na trabaho.

Nagulantang ang character actor sa sunud-sunod na katok sa bahay niya at sabay tingin sa cellphone na lowbat na kaya pala hindi nag-alarm.

Abut-abot ang paghingi niya ng dispensa sa buong staff dahil nakatulog nga siya nang mahimbing kaya hindi na rin namalayang lowbat na ang cellphone niya.

In fairness, professional naman ang character actor kaya nagtataka ang mga staff ng produksyon na hindi pa siya dumarating sa set at hindi rin sumasagot sa tawag.

Masipag magtrabaho ang character actor dahil may mga anak siyang binubuhay kaya malaki o maliit ang talent fee ay tinatanggap niya para makaipon.

Naging bida na ang character actor na ito pero hindi niya naalagaan nang maayos kaya puro supporting roles na lang ang ibinibigay sa kanya.

Pero kahit nga hindi na siya nagbibida marami pa rin naman ang kumukuha sa kanya dahil mahusay naman talaga siyang umarte bukod pa sa walang arte pagdating sa talent fee at trabaho.

Read more...