Paglilinaw ni Vico Sotto: Hindi po ako member ng EXO

VIRAL na naman ngayon si Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa mga kumalat na litrato niya sa social media na ikinukumpara sa K-Pop idol na si Do Kyungsoo.

Marami kasi ang nakapansin na kamukhang-kamukha ng alkalde ang isa sa mga miyembro ng Korean group na EXO na mas kilala rin bilang D.O.

Nag-post si Mayor Vico ngayong araw sa kanyang Twitter ng kaganapan sa Pasig matapos ang New Year’s celebration. Inamin niya na sa kabila ng pagbabawal sa paggamit ng paputok ay may mga lumabag pa rin dito.

“May mga matitigas ang ulo na nagpaputok pa rin kagabi. Pero malaki ang ibinaba ng bilang nito kung ikukumpara sa nakaraang taon.

“-Over 200,000 worth of small firecrackers were confiscated.

“-Only 3 injuries at PCGH, likely the lowest count ever.

“-No injuries from stray bullets,” pahayag ni Vico.

Isang netizen na may handle name na @kaimnidae ang sumagot sa tweet ng anak ni Bossing Vic Sotto, “THANK YOU ALL EXO MEMBERS.” Ang tinutukoy nga nito ay ang malaking pagkakahawig ng public servant kay D.O.

Nang mabasa ito ng mayor agad naman siyang nag-reply ng, “Hindi po ako member ng EXO.” Dito, sunud-sunod na ang nakatutuwang reaksyon ng mga Pinoy fans ng EXO.

Nagsimulang ihambing ang itsura ni Vico kay D.O. nang mai-post online ang kanyang mga litrato mula sa kanyang lumang yearbook kung saan halos pareho sila ng gupit at facial features ng K-pop idol.

Samantala, ngayon pa lang ay excited na ang mga fans ng EXO sa pagbabalik ni Kyungsoo sa limelight dahil nakatakda na nga itong ma-discharge sa military service sa Jan. 25, 2021.

Read more...