Dingdong kay Marian: Gigil na gigil pa rin ako sa iyo! Happy 6 years, my love!

ANIM na taon nang nagsasama bilang mag-asawa ang Kapuso Primetime King & Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Ngayong araw, Dec. 30 ipinagdiriwang ng celebrity couple ang kanilang 6th wedding anniversary. Ikinasal sila noong Dec. 30, 2014 sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City.

Nagpalitan ng mensahe ang mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang Instagram accounts — maikli man ang kanilang pagbati ay ramdam na ramdam pa rin ang matinding pagmamahal nila sa isa’t isa.

“To my life… Happy 6th!” ang caption ng Kapuso actress-host sa litrato nila ni Dingdong together.

Nag-post din ang award-winning actor sa kanyang IG ng kaparehong litrato at nilagyan ng caption na,  “Obvious bang gigil na gigil pa rin ako sa iyo? Happy 6 years, my love!”

Libu-libong likes at comments naman ang nakuha ng IG photos ng mag-asawa at ilan nga sa mga ito ay nagsabing sana’y dumami pa ang kanilang mga anak dahil sayang naman daw ang magandang lahi nila kung hindi na madaragdagan sina Maria Letizia o Zia at Jose Sixto IV o Ziggy.

Kung matatandaan, nagsimula ang love story nina Dingdong at Marian nang gawin nila ang Kapuso primetime series na “Marimar” noong 2007.

Kamakailan, sinabi ni Dingdong na sa kabila ng mga kanegahang dulot ng pandemya, may mga magandang epekto rin naman ito kahit paano. Isa na nga riyan ang pagbubuklud-buklod ng pamilyang Filipino.

Aniya, “Sobrang sarap ng experience namin together (lockdown). Kasi sobrang love namin ang isa’t-isa. Itong ECQ talaga, the best time of our married life ito, sa totoo lang. Siyempre, because of the time.

“Nakakalungkot lang na dito pa nangyari sa kontekstong ito. Pero iyon nga, grateful kami because we have each other. Tapos talagang nasubaybayan namin yung paglaki ni Ziggy.

“Gustung-gusto namin kapag nandoon kami sa room lahat, nagrarambulan kami. Tapos isang araw, nakita ko na lang si Ziggy biglang tumayo at naglakad,” kuwento pa ni Dong.

Dagdag pa niya, “Noong nag-umpisa ang ECQ, gumagapang pa lang ‘yan, e. Ngayon, tumatakbo na. Imagine, iyong ganoong milestone, nasaksihan ko at nandito ako.”

Aminado naman ang aktor na may pag-aalala rin sila ni Marian para sa mga anak at sa lahat ng kabataan sa new normal ng pamumuhay ng mga Pinoy nang dahil sa health crisis.

“Natatakot ako para sa lahat, lalong-lalo para sa mga anak natin, sa next generation. At the same time, alam kong may hope, kasi hindi naman ito ibibigay ng Panginoon sa atin nang walang dahilan.

“I know that ‘yung henerasyon nila, magri-reap ng benefits ng mga gagawin natin ngayon. Dapat ayusin na natin talaga ang mundong ito para sa kanila,” paliwanag ni Dingdong.

Read more...