Isa lang ang artistang puwedeng magyabang, si Kris Aquino yun! — Lolit Solis

SA talakayan nina Manay Lolit Solis, Mr. Fu at Nanay Cristy Fermin sa kanilang Facebook Live ngayong araw ay napag-usapan nila si Kris Aquino.

Sa lahat daw ng artista ay siya lang ang may karapatang magyabang dahil sa estado niya sa buhay, bukod sa mayaman at nakagawa ng pangalan ay anak siya nina Presidente Corazon Aquino at ex-Sen. Benigno Aquino at kapatid ni ex-President Noynoy Aquino.

Ayon kay Manay Lolit kapag may na-encounter siyang nagyayabang na artista ay kaagad nitong tinatanong kung anong apelyido niya.

“Kapag may mga artista akong nae-encounter na sobra ang self-confidence saka yabang, isa lang ang lagi kong sinasabi, isa lang ang puwedeng magyabang na artista, si Kris Aquino (dahil) tatay niya si Ninoy, nanay niya si Cory, kapatid niya si P-Noy.

“Kumbaga itong mga ito (mayayabang na artista), puwedeng sabihin ni Kris na, ‘hoy wala kayong karapatang magyabang sa akin. Hero pa ang tatay ko.’

“Pero si Kris nakita n’yo talagang nakikipag-usap sa mga tao (masa), actually nga malapit siya sa staff and crew kasi marunong siya maglambing sa crew, eh,’’ kuwento ng talent manager. Sabay birong, ‘’Hindi nga lang niya kilala si Mr. Fu.’’

Humalakhak naman nang todo si Mr. Fu.

Hirit naman ni Nanay Cristy, “Hindi ko naman kokontrahin ang sinabi mo, may punto rin naman akong gustong idiin. Nagkataon lang na ‘yung panahon na iyon na naging presidente ang nanay at anak siya ng talagan niluhaan ng buong bayan.”

Dagdag ni Manay Lolit, “Yun nga Cristy ang inaano (punto ko) kung mayroon puwedeng magyabang sa kanilang lahat, si Kris lang ‘yun.”

“E mayabang naman talaga siya!” sagot naman ni ‘Nay Cristy.

“Oo naman, tanggap naman natin ang yabang, pero kung may artistang sumikat lang ang pangalan dahil artista siya, wala namang natapos na pinag-aralan, hindi naman kilala ang pamilya tapos nagyayabang, hoy! (sino ka),” katwiran ni Manay Lolit.

At dito na nagsabi si ‘Nay Cristy na gusto na niyang tapusin kung anumang isyung mayroon sila ni Kris, “Gusto kong matapos ang taong ito na wala akong bitbit na anuman hindi ako galit kay Kris Aquino,” diin niya.

At tungkol sa nangyari sa karera ng Queen of Social Media na nawala rin pagkatapos mawala ang magulang nito at kapatid sa puwesto.

Tanong ni ‘Nay Cristy kay Manay Lolit, “Yung sinasabi mo na anak ng Pangulo, anak ng bayani. Ano na ang nangyari kay Kris pagkatapos ng dalawang dekada? Itinapon din ng kanyang istasyon, hindi rin siya binigyan ng kontrata at nag-ikot siya sa ibang istasyon na puwede niyang pasukan, hanggang pintuan lang siya.

“Hindi nga siya nakapasok sa mga ehekutibo (opisina) kaya walang karapatan ang mga artistang magyabang kung saan pa siya galing,” aniya pa.

Say naman ni Manay Lolit, “Kung titingnan mo kasi si Kris as Kris ‘yung artista pero ‘yung premium niya as a person, walang makakatapat sa kanya.”

“Tama ka naman doon,” sambit ni Nay Cristy.

At inamin din na si Manay Lolit ang pinakikiusapan ng GMA Artist Center na ipakausap sa mga artistang may mga yabang sa katawan.

“Kapag may mga artistang may topak sa ulo, sa akin ipinapakausap, ‘yung hindi maganda ang attitude.  May isang artista na ipinakausap nila sa akin na ang yabang-yabang dahil ang tingin niya kay Julia Barretto mataas kasi. Sabi (artista), anak siya ni Marjorie, Barretto sisters.

“Sabi ko naman, ‘you look up to her (Julia)? Bakit ano ang kailangang ipagmalaki ni Julia Barretto? (sagot ng artistang kinausap ni Manay), “Pamangkin siya ni Gretchen Barretto, anak siya ni Marjorie Barretto?’

“Who is Marjorie Barretto?” balik-tanong ni Manay Lolit sa artistang kausap.

Sa pagpapatuloy pa ni Manay, “Classmate kasi niya si Julia, so feeling niya ano, so medyo nagmamaldita noon kaya hindi makaabante o makaalagwa.”

Ang punto sa takbo ng usapan ay kahit na may pangalan ka sa industriya at maraming achievement ay hindi pa rin sapat iyon para magyabang.

Oo nga, may punto sina Manay Lolit at Nanay Cristy na kung may artistang puwedeng magyabang kesehodang wala siya sa harap ng telebisyon o pelikula ay si Kris Aquino lang iyon, pero hindi pa rin naman niya ito ginagawa dahil malapit siya sa tao o masa at wala pa rin siyang tigil sa pamamahagi ng tulong in her own little way sa mga nangangailanan.

Isa lang naman talaga an masasabi kay Kris, taklesa siya at sa sobrang saya o tuwa niya ay nababanggit o nasasabi niya ang mga hindi dapat sabihin.

Read more...