Kongresista ng Quezon hinamon ang PACC: Mag-imbistiga kayo sa Quezon at huwag umasa lang sa anonymous letter

Quezon Rep. Angelina Tan. (Larawan mula sa kanyang Facebook account)

Nagpahayag ng pagkagulat si Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan kaugnay sa pagdawit sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kongresistang umano’y sangkot sa katiwalian.

Ganunin, sinabi ni Tan na nalulungkot siyang ang pinagbasehan lamang ng akusasyong ito ay “isang sulat na anonymous” na natanggap ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

“Nakakalungkot na ang isang sulat na anonymous sa PACC tungkol dito ay gamitin para ipahiya lamang ako at sirain ang pangalan ko,” wika ni Tan sa kanyang Facebook post ngayong Martes.

“Sino naman itong sumulat na ito sa PACC at bakit ang PACC ay basta na lang nagreport sa Presidente without validating and investigating it?” dagdag niya.

Ang PACC ang nagsumite sa Malacañang ng listahan na binasa ni  Duterte sa kanyang talumpati noong Lunes ng gabi.

Inamin ni Duterte na walang matibay na ebidensya laban sa mga mambabatas, pero sa kabila nito ay isinapubliko pa rin niya ang pangalan ng mga ito.

Maliban kay Tan, sinabi ni Duterte na sangkot sa korapsyon ang mga sumusunod na kongresista:

Sinabi ni Duterte na sangkot si Tan sa “maanomalyang” national road project sa Quezon an bagama’t bago pa lamang gawa ay nasira na agad ng bagyo.

Pero umalma dito si Tan at sinabing bakit siya ang sisisihin.

“Nakakagulat bakit ako ang sisisihin sa pagkasira neto samantalang hindi naman ako implementing agency kundi DPWH. Bakit pilit ako idinadawit?” wika ni Tan.

Nilinaw niyang ang papel lamang niya sa proyekto na  Gumaca By pass road “ay magpagawa ng feasibility study upang mapondohan ito, at siguraduhin na taon taon ay may pondo ito.”

“Although hindi pa completely paved ito ay open na nadadaanan ng mga sasakyan at mga byahero can attest to that,” paliwanag pa niya.

“Nung may portion na nasira dito nuong magdaan na mga bagyo, ako mismo ay nagtungo ng personal duon at humingi ng paliwanag sa DPWH. Ang paliwanag nila dahil sa sunod sunod na bagyo ay bumaba ang base na lupa dahil ang portion na ito ay mataas. Acts of nature. At dahil nasa loob ng warranty ng contractor ay inayos nila,” aniya.

Hinamon niya ang PACC na tumungo mismo sa Quezon para mag-imbistiga sa halip na umasa lamang sa isang anonymous na sulat.

“Now I challenge the PACC Chair Mr. Greco Belgica to come to Gumaca and visit the project, if they are serious on their campaign against corruption. Wag mag base sa sulat ng isang anonymous at tanungin ay ang DPWH hindi ako,” wika ni Tan.

“Sunod sunod ang operation demolition sa aming mag asawa simula pa noong mga nakaraang buwan, at most likely ito ay isa na naman sa political operation ng kalaban,” wika pa niya.

“Hindi po kami matitinag sa kung anuman na mga gagawin pa sa amin.”

Read more...