Glaiza ayaw ng grand wedding, pero sinigurong sa Pinas magpapakasal

SINIGURO ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro na dito sa Pilipinas sila magpapakasal ng kanyang Irish fiancé na si David Rainey.

Excited na nagkuwento ang award-winning singer-actress tungkol sa engagement nila ni David Rainey na naganap sa Ireland noong Bisperas ng Pasko, Dec. 24.

Doon nag-celebrate ng Christmas si Glaiza kasama ang pamilya ni David na aniya’y isa sa mga Pasko na hinding-hindi niya malilimutan dahil sa ginawang proposal ng kanyang future husband.

Kuwento ng Kapuso star sa panayam ng GMA, breakfast time nang mag-propose sa kanya si David, “Until finally, after naming kumain ng konti, tapos lumipat kami ng area kung saan mas sheltered, medyo hindi ganu’n kalamig.

“Tapos nagpatugtog siya, ito yung song na kung saan, kung paano kami nagkakilala. Ito yung song na tinanong ko sa Siargao kung sinong nagpapatugtog.

“And then, finally sinabi niya na, ‘Can I ask you something?’ ganyan. Tapos ayun, nag-hit sa akin na, ‘Oh, my gosh, ito na yun!’

“Tapos, naiyak na ako. Tapos lumuhod na siya, ayun, tinanong na niya ako,” lahad ni Glaiza na kitang-kita sa aura ang nararamdamang kaligayahan at excitement.

Dagdag pa ng dalaga, alam na ng kanyang parents ang gagawing pagpo-propose ni David. Hiningi rin kasi nito ang blessings ng mga magulang ng aktres bago niya ito yayaing magpakasal.

“Before pa ako pumunta dito, humingi na siya ng blessing. Tumawag siya sa nanay at tatay ko.

“Sinet niya yung date, tapos nagbihis siya sa video call. Tinanong kung alam ba ng parents niya, sabi niya, ‘Hindi.’

“So, sinorpresa niya yung parents niya, and then sinabi niya na pumunta du’n sa restaurant,” chika pa ni Glaiza.

Sa tanong kung kailan magaganap ang kasalan, sagot ni Glaiza, “Definitely hindi pa sa 2021, baka after na po.

“We’re still taking our time, hindi naman kami masyadong nagmamadali, especially may mga work pa na nag-aantay.

“Actually pag-uwi ko ng Manila, sa Philippines, ilang araw lang may gagawin na po akong bagong project,” aniya.

Gusto nina Glaiza at David ay isang simple at intimate wedding lamang at siniguro rin ng Kapuso actress na dito sa Pilipinas magaganap ang kanilang pag-iisang-dibdib.

“Yes, sa Philippines po. Pero, I would say na very simple lang kasi simple lang naman kami pareho. Definitely, it would not be a grand wedding, so basta andun lahat ng importanteng tao, friends, and family,” pahayag pa ng aktres.

Nitong nakaraang Dec. 24 ibinandera ni Glaiza sa kanyang Instagram account ang engagement nila ni David kalakip ang ilang litrato kung saan ipinakita pa niya ang singsing na ibinigay sa kanya ng fiancé.

“Who would’ve thought I’d say yes in freezing cold weather…it just felt right. (sparkling wine, Christmas tree, ring emojis),” sey niya sa caption.

Read more...