TULAD ng ibang mag-asawa, naranasan din ng Kapuso couple na sina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap ang magkaroon ng “quarantine fight” nitong mga nagdaang buwan.
Hindi naman daw talaga maiiwasan na magkaisyu at magkaproblema ang pamilya lalo na noong kasagsagan ng lockdown sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Pero ayon kina Rochelle at Arthur, ang mga ganitong tampuhan at hindi pagkakaunawaan ang mas nagpatatag pa sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Sa guesting nila sa “Sarap, ‘Di Ba? Bahay Edition”, sinabi ni Rochelle na posibleng isa sa mga rason kung bakit sila nagkakaroon ng misunderstanding ay dahil palagi nga silang magkasama sa bahay.
“Aminado naman, marami kaming hindi pagkakaintindihan at ‘yon siguro. Kasi sa bahay, quarantine, kaming dalawa. Kapag gising sa umaga siya na naman makikita mo, wala kang trabaho.
“So, siya naman ako lang makikita niya, so kami lang lagi. Umaga, tanghali, gabi, magdamag,” paliwanag ng actress-dancer.
“Hindi talaga maiiwasan na magkaroon ng hindi pagkakaintindihan. Pero ang maganda doon, bawat araw na mayroon kayong hindi pagkakaintindihan, naaayos ninyo lagi ‘yun. ‘Yun ‘yung nagiging mas stronger pa na relationship,” aniya pa.
Sey naman ni Arthur, “Kung hindi dahil sa mga pagtatalo namin, hindi kami magiging mas in love sa isa’t isa.”
Nitong nagdaang Pasko, pareho ang wish ng Kapuso couple. Sabi ni Rochelle, “Una, matapos ang COVID, bigla na lang siyang mawala, ‘yung talagang miracle na bigla na lang siyang mawala.”
Pahayag naman ng kanyang asawa, “Sana wala nang magsa-suffer,matapos na itong pandemic.”
Ano naman ang mga realizations nila sa buhay ngayong patapos na ang ang 2020?
Sagot ni Arthur, “Ako, ang natutunan ko, ‘yung faith kay God dapat hindi mawawala ‘yan. Pagtibayin, mas tibayan pa.
“Itong nangyayari, may dahilan or reason for the better, for the good. Hindi lang ito dumaan na hindi tayo matututo. Maraming lessons na makukuha dito.
“Unang-una, time with the family na hindi natin nagagawa dati. ‘Tapos mas naging malapit tayo sa Kanya, ‘di ba?” lahad ng aktor.
“Ako naman, pahalagahan mo lahat ng nangyayari ngayong araw na ito. Kasi bukas, hindi mo masasabi kung ano ang mangyayari sa ‘yo,” sey naman ni Rochelle.
At sa darating na 2021, ang payo ni Arthur sa lahat ng Pinoy ay huwag maging kampante dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID-19, “Siguro ‘yung dapat ilaban ‘yung pagiging malinis. Don’t let our guard down kasi hindi pa tapos ang virus.”
Hirit naman ni Rochelle, “Ang dapat bawiin ay yung katigasan ng ulo nating lahat. Kasi, matigas pa rin ang ulo kahit na marami nang bawal, ginagawa pa rin.”