3 pelikula sa MMFF 2020 nabiktima agad ng pirata; mga producer magdedemanda

UNANG araw pa lang ng 2020 Metro Manila Film Festival ay napirata na agad ng mga sindikato sa social media ang ilang pelikulang kalahok dito.

Kabilang sa mga napabalitang nabiktima agad ng piracy ay ang “Fan Girl” ni Paulo Avelino, “Mang Kepweng” ni Vhong Navarro at ang “The Boy Foretold By The Stars” nina Adrian Lindayag at Keann Johnson.

Dahil dito, agad na inaksyunan ng mga producer ang ilegal na pagpapakalat ng kabuuan ng kanilang mga MMFF entry kasabay ng planong pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga taong sangkot dito.

“We are all working on the prosecution of the illegal copying of the entries with the producers and their lawyers, the NBI and the Intellectual Property Commission (IPC),” pahayag ni Dondon Monteverde sa ABS-CBN, ang head ng Upstream.ph na siyang online partner ng MMFF.

Aniya pa, “Since Christmas Day, the start of the filmfest showing, we have been working double time to identify the suspects.

“Tapos yung iba, bubuksan mo iyong link na pinost nila, wala namang laman. So there are also posers. Pabida lang. We also have to consider the location of persons of interest, since MMFF entries are available worldwide through Upstream,” paliwanag pa ng producer.

Dagdag pa niya, “But right now, kailangan naming tulungan mga producer, kailangan kaming magtulung-tulungan para matigil ito.”

Nauna rito, umapela na rin ang direktor ng entry ni Paulo sa MMFF na si Antoinette Jadaone sa mga nagpo-post ng mga piniratang entry sa pamamagitan ng Instagram.

“We’re asking as nicely as possible: please don’t reproduce and distribute the film illegally.

“MMFF and Upstream are tripling their efforts to catch acts of piracy and the consequences are very, very real. You wouldn’t want to spend the new year in jail. If you any links or torrents circulating, please help us report them. Message @black_sheepph,” aniya.

Pati si Paulo ay nag-post na rin sa socmed ng kanyang saloobin tungkol dito. Sa Facebook account ng Black Sheep naglabas ng hinanakit ang bida ng “Fan Girl” na mainit pa ring pinag-uusapan ngayon dahil sa walang takot na pagpapakita niya ng kanyang pagkalalaki.

Ito ang hugot ng aktor, “Hayaan niyo namang bumili ng tiket ang mga tao, hindi iyong ipagmamalaki niyo meron kayong picture o video ng movie. Huwag kayong pabida, hindi kayo ang bida, ang pelikula.”

Read more...