WALANG balak si Ysah Cabrejas na iurong ang mga kasong isinampa niya laban sa kanyang ex-boyfriend na si Xander Ford.
Ito ang ipinagdiinan ng dalaga matapos humingi sa kanya ng tawad si Xander o Marlou Ariza sa tunay na buhay habang nakakulong ito sa Tondo Manila Police Station.
Ayon kay Ysah itutuloy niya ang reklamo laban sa kontrobersyal na social media personality para maturuan ito ng leksyon at mabigyan ng hustisya ang ginawa sa kanya.
Humaharap sa kasong RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 dahil sa umano’y pananakit at sexual assault sa dating karelasyon.
Inaresto kamakailan si Xander ng mga pulis nang lumabas ang arrest warrant mula sa Manila Regional Trial Court at halos isang araw ngang nakulong.
Sa isang interview, nag-sorry si Xander sa dating girlfried at humiling na pag-usapan na lang nila nang maayos ang kanilang hindi pagkakaintindihan.
“Sana mapatawad mo ‘ko. Sana maawa ka sa ‘kin kasi magpa-Pasko, rapos ganito mangyayari sa pamilya ko. Wala naman akong ginawang masama sa ‘yo,” sabi ng binata.
Dinenay din niya ang mga kasong isinampa sa kanya ni Ysah, “Parehas po kaming nasaktan sa mga nangyari po sa aming dalawa.
“Pero hindi ko po talaga siya na-pisikal po. Mahal ko po ‘yon,” pahayag pa ni Xander.
Samantala, sa panayam kay Ysah ng “Stand For Truth”, nagkuwento ang dalaga tungkol sa naging relasyon nila noon ni Xander Ford at kung paano siya sinaktan nito nang magkaroon sila ng pagtatalo.
“Nag-decide po kami mag-live in, tapos ‘yung unang gabi po namin doon pinilit niya po na may mangyari po sa amin.
“Nu’ng time na po na ‘yun is mayroon po ako, tapos hindi po ako pumayag. Then, nagalit po siya, tapos doon na po nangyari ‘yung pananakit niya po,” lahad ng dalaga.
At sa tanong nga kung handa ba siyang patawarin si Xander, “Napatawad ko naman po siya. Pero ‘di po ibig sabihin na pinatawad ko po siya, iaatras ko na po ‘yung kaso, so itutuloy ko pa rin po ‘yun para matuto din po siya.”
Maswerte pa ring maituturing si Xander Ford dahil noong Dec. 24, bisperas ng Pasko ay pansamantala siyang nakalaya matapos siyang piyansahan ng talent management niyang Star Image Artist Management sa halagang P18,000.
Sinabi ng Star Image Artist Management General Manager na si David Cabatawan, sa kabila ng mga nagawang sablay ni Xander sa kanila bilang talent ay concerned pa rin sila rito at talagang naawa sila noong makita nila ang binata sa kulungan.
Pero aniya, “Mabigat po sa kalooban namin na pumunta pa rito, kasi sa marami pong ibinigay sa amin na problema ni Xander e, naisip po namin na baka dapat ito, e, mabigyan siya ng aral talaga.
“Pero, siyempre, magpa-Pasko po medyo lumambot po ang puso namin,” ani David.