2 batang ikinandado ng magulang sa loob ng bahay, patay sa sunog

ILIGAN CITY–Dalawang batang may edad na tatlo at apat ang namatay sa sunog nitong Araw ng Pasko matapos na sila ay ikandado ng kanilang magulang sa loob ng bahay.

Tumungo sa kanilang bukirin sina Junie Palongpalong at Judelyn Gargoles, ang magulang ng mga bata, sa liblib na Barangay ng Tangueguiron sa bayan ng Tubod dakong 8 ng umaga nitong Biyernes, Araw ng Pasko, ayon kay Major Salman Saad, tagapagsalita ng pulisya sa Lanao del Norte.

Ikinandado nila ang kanilang anak sa loob ng bahay na tanging ang nakataling alagang aso lamang ang kasama, wika pa ni Saad.

Sumiklab ang sunog dakong 11:30 ng umaga, ayon sa kwento ng ilang kapitbahay na tumulong mag-apula ng apoy.

Pero tuluyan nang nilamon ng sunog ang bahay na gawa lamang sa mga light materials, ayon kay Saad.

Nakita pa ng magulang mula sa kanilang bukirin ang sunog at nagmadali silang umuwi ng bahay para lamang makita na natupok na ito.

Iniimbistigahan ng pulisya ang sanhi ng sunog at pati na rin ang dalawang tao na ayon sa mga taga-barangay ay malapit lamang sa bahay nang sumiklab ang sunog pero wala umanong ginawa para iligtas ang mga bata.

Walang koryente ang bahay ng pamilyang Gargoles.

Natagpuan ang sunog na bangkay ng dalawang bata na magkayakap sa may bahaging kusina ng bahay.

Mula sa ulat ni Richel V. Umel, Inquirer Mindanao
Read more...