Papatapos na ang botohan para sa 2020 Mrs. Universe pageant, kaya naman hiling ng mga Pilipinang kalahok sa patimpalak na patuloy silang iboto ng mga kababayan.
Ang beteranang si Lina Gabbaoan mula Ilocos Sur, na nasa Netherlands na ngayon, ang Mrs. Universe Continental Asia. Mrs. Universe Western Europe naman ang tubong-Bukidnon na si Decereen Joy Baquiran na nasa Germany na ngayon, habang Mrs. Universe Northern Europe naman ang tubong-Bukidnon ding si Jay Marie Calunsag na nasa Sweden na ngayon.
Mrs. Universe Western Pacific Asia si Joybelle Potabes ng Isabela, habang Mrs. Universe Southeast Asia si Francesca Chin-Yang Park ng Parañaque.
Si Gabbaoan din ang direktor para sa limang rehiyong kinakatawan niya at ng apat pang iba. Noong 2019, binitbit na niya ang titulong Mrs. Philippines World Continental Europe.
Pinadala silang lima sa Mrs. Universe pageant ng Maxam Foundation ni Gabbaoan, isang non-profit organization na tumtutulong sa mahihirap na bata sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga batayang pangangailangan ng mga paaralan, pagpapagawa sa mga luma o napabayaan nang mga paaralan, lalo na sa mga libib na lugar, at pagtustos para sa mga kagamitan.
“We hope to ease the burden and inconvenience of the students in their education as well as enhancing their capabilities through sports-engaging programs and promoting the ‘bayanihan’ spirit,” ani Gabbaoan.
Nauna nang binalak ng foundation na magdaos ng mga patimpalak upang piliin ang mga kinatawan sa Mrs. Universe mula sa limang rehiyong hawak niya. “Unfortunately, because of the [Covid-19] pandemic, all planned events needed to be canceled. Part of the profits would have funded the foundation’s yearly projects, as well as the advocacy of the winner,” pinaliwanag ni Gabbaoan.
Dahil din sa pandemya, virtual ang pagdaraos ng Mrs. Universe pageant ngayong taon. Tatanggapin ang mga boto hanggang Dis. 24, at sa Enero 1, 2021 na ihahayag ang resulta.
Kasali rin sa patimpalak ang mga Pilipinang taga-Sydney—sina Mrs. Universe Australia Maryrose Salubre, Mrs. Universe Australasia Kristine Tootsie Aseron Santos, Mrs. Universe Oceania Olivia Rosete Wheeler, at Mrs. Classic Universe Philippines Ceres Calizo.
May mga kalahok ding nandito ngayon sa Pilipinas—sina Mrs. Universe Philippines-Quezon City Star Villanueva, Mrs. Universe Philippines-Cagayan Valley Jennifer Duduan Capio, Mrs. Universe Philippines-San Juan City Cynthia Lim Huang, Mrs. Universe Philippines-Laguna Monique Cantalejo Rivera, at Mrs. Universe Philippines-Muntinlupa City Chanell Antas.
Kasama rin ang dating top model sa Pilipinas na si Gerone Olorocisimo Demiar bilang Mrs. Universe Philippines-Makati.
Nasa 88 ang mga opisyal na kalahok sa 2020 Mrs. Universe pageant.