Big stars na lumipat ng network nanghinayang na hindi nakasama sa ABS-CBN Christmas special

MAY dahilan naman pala na manghinayang ang ilang Kapamilya stars na nasa TV5 na ngayon na hindi sila nakasama sa “Ikaw ang Liwanag at Ligaya: The ABS-CBN Christmas Special”.

Ipinalabas ito noong Linggo, Dis. 20, sa Kapamilya Online, A2Z channel at YouTube sa direksyon ni John Prats.

Nakarating sa amin ang kanilang panghihinayang dahil taun-taon nga naman ay kasama sila sa Christmas special ng ABS-CBN at labis nila itong pinaghahandaan na karaniwang isinasagawa sa Araneta Coliseum at mapapanood bago mag-Pasko.

Pero dahil sumakabilang-bakod sila kaya siyempre hindi na sila ka-join, “Ang ganda ng pagkakadirek ni Praty ng show, ah. First time niya, hindi halata. Sayang (hindi nakasali ang mga lumipat),” ang komento ng kausap namin.

Oo nga, may dahilang manghinayang ang ilan dahil maganda nga ang pagkakagawa at theme ng show.

Nagustuhan namin ang mga production number na kasama ang kanilang mga pamilya tulad ni Cherry Pie Picache na naka-duet ang anak na si Nio at ni Eula Valdez kasama si Miguel.

Hindi naman kasi sila nakikita ng publiko na magkakasama hindi tulad ng Santiago brothers na sina Rowell, Randy at Raymart; ang mag-amang Ogie Alcasid at Leila Alcasid; Sunshine Cruz at Sam; at sina Zsa Zsa Padilla at Karylle at mag-amang Edu at Luis Manzano na parehong may programa sa ABS-CBN.

Lahat ng may existing show ay kumpleto ang cast tulad ng “It’s Showtime,” “FPJ’s Ang Probinsyano”, “Ang Sa’yo Ay Akin” (maliban kina Sam Milby at Jodi Sta. Maria na wala sa show), “Walang Hanggang Paalam”, “Bagong Umaga,” “ASAP Natin ‘To,” “Magandang Buhay,” Ang Gold Squad team.

May patikim din sa mga upcoming shows ng network tulad ng “Init sa Magdamag”, “La Vida Lena,” at iba pa.

Kung dati-rati ay nagsisiksikan ang mga artista sa entablado kapag finale na, ngayon ay sobrang luwag dahil bilang na lang ang mga natira on stage. Ibig sabihin ang dami pala talagang nawala sa ABS-CBN, huh?

“Next year, nandiyan na tayo. Ha-hahaha!” birong sabi ng isa sa mga dating Kapamilya.

Labis ang pagpapasalamat ng mga bossing ng Kapamilya network na sina Mr. Carlo Katigbak, Mr. Mark Lopez, Ms. Cory Vidanes, Direk Laurenti Dyogi at Ms. Charo Santos-Concio dahil kahit walang prangkisa ngayon ang ABS-CBN ay hindi sila iniwan ng mga tagasubaybay ng ABS-CBN mula noon hanggang ngayon.

Read more...