HABANG sinusulat namin ang balitang ito ay kasalukuyang ginaganap ang virtual Parade of the Stars ng Metro Manila Film Festival 2020 sa pangunguna ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ang alkalde ang nanguna sa pormal na pagsisimula ng parada sa pamamagitan ng pagpapatunog ng gong kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim.
Ito rin ang hudyat na pagsisimula ng taunang filmfest sa Biyernes, Dis. 25.
Ang Lungsod ng Quezon ang host ng MMFF 2020 na natapat na wala talagang pisikal na parade of the stars dahil sa COVID-19 pandemic na ikinalungkot din ng lahat ng tagasubaybay nito taun-taon dahil hindi nila makikita nang personal ang kanilang mga idolo.
Gayun din naman ang pahayag ng dalawang bida ng “The Boy Foretold By The Stars” tulad nina Adrian Lindayag at Keann Johnson kasama ang direktor nilang si Dolly Dulu na nalungkot din dahil first time nilang mapasali sa MMFF at excited pa naman sana silang sumakay ng float pero babawi na lang daw sila sa mga susunod na MMFF.
Anyway, ang 10 entry sa MMFF 2020 ay ang “Isa Pang Bahaghari”, “Pakboys: Takusa”, “The Boy Foretold By The Stars,” “The Missing”, “Suarez: The Healing Priest,” “Coming Home,” “Magikland,” “Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim”, “Tagpuan” at “Fan Girl.”
Ang lahat ng ito ay mapapanood online via UPSTREAM PH sa halagang P250 at buong pamilya ay makakapanood na ito sa loob ng 24 hours ang bawa’t pelikula kaya puwede itong ulit-ulitin.
Samantala, kampante sina Joseph Marco at Ritz bilang pangunahing bida ng “The Missing” dahil sila lang ang nag-iisang horror film na pasok sa MMFF 2020 kaya sigurado na silang maraming manonood dahil maraming mahilig sa horror.