Beterana ng beauty pageant, sumungkit ng korona

Hinirang na 20202 Miss FIT Philippines si Malka Shaver mula Dumaguete City sa isang virtual competition./CONTRIBUTED

Isang beterana ng beauty pageants ang nag-uwi ng korona sa virtual na pagtatanghal ng unang edisyon ng Miss FIT Philippines. Sa palatuntunang lumabas ngayong Dis. 23 sa opisyal na Facebook page ng patimpalak, dinaig ni Malka Shaver ng Dumaguete City ang 23 iba pang kalahok para sa inaasam na titulo.

“Face, Intelligence, and Toned body” ang kinakatawan ng mga titik na “F,” “I,” at “T” sa titulo, kaya inaasahang isusulong ni Shaver ang “wholistic fitness,” ayon sa national director ng patimpalak na si Louise Theunis, na siya ring reigning Miss Bikini Philippines.

Dahil sa kaniyang pagwawagi, nanalo ng P100,000 si Shaver, na kinoronahan na rin dati bilang 2014 Miss Dumaguete at 2017 Miss Mandaue, at pumangalawa sa 2018 Miss Manila pageant. Sa 2019 Binibining Pilipinas pageant, nagtapos siya sa Top 25.

Para sa 2020 Miss FIT Philippines, hinirang din siyang Best in Swimsuit, at Best in Evening Gown.

Naging runner-up naman ang isa pang beterana, si Karen Nicole Piccio ng Iloilo City na kinoronahang Miss Philippines-Ecotourism sa 2019 Miss Philippines Earth pageant.

Pumangalwa kay Shaver ang kinatawan ng General Santos City na si Arielle Jazmine Roque, na second runner-up sa 2017 Reyna ng Aliwan at finalist sa 2020 Miss Philippines-Earth pageant.

Nagtapos naman sa ikatlong puwesto si Anita Rose Gomez ng Olongapo City, habang pang-apat si Clytemestra Juan ng Dasmariñas City.

“My fitness advocacy is all about promoting an exodus from our blind passive toxic lifestyles and coming back home to our inner sanctuary (the self, the body, and soul) to wake up and listen to the yearnings of our souls and the aches of our bodies begging us to treat ourselves the way we should,” ani Shaver, na nagtapos ng Mass Communication sa Silliman University.

Itinanghal ng Ultra at ProMedia ang 2020 Miss FIT Philippines pageant, kung saan nagsilbi ring inampalan sina 2017 Miss Tourism International Jannie Loudette Alipo-on, 2018 Man of the World first runner-up Clint Karklins, at 2019 Miss Philippines Earth Janelle Tee.

Nagsilbi namang host si 2013 Miss Philippines Earth Angelee Claudette delos Reyes, kasama si Sean Kyle Ortega.

Read more...