MayWard nagkailangan nang muling magkita sa shooting; ‘Princess DayaReese’ unang pasabog sa 2021

BONGGA ang 2021 para sa Kapamilya loveteam na sina Maymay Entrata at Edward Barber!

Ang pelikula lang naman kasi nilang “Princess DayaReese” ang napili ng Star Cinema na maging unang pasabog sa mismong Bagong Taon.

Yes, sa wakas tinupad na rin ng ABS-CBN at Star Cinema ang wish ng MayWard fans na pagsamahin uli sa isang bonggang project ang kanilang mga idolo.

Pagpatak ng New Year’s Day (Jan. 1, 2021), hahataw sa online at digital platforms ang romantic-comedy movie na “Princess DayaReese” directed by Barry Gonzalez.

Sa nakaraang virtual mediacon ng pelikula, aminado si Maymay na may slight ilangan factor sa pagitan nila ni Edward noong magkita sila uli sa shooting ng “Princess Dayareese.”

Natural lang naman na makaramdam sila ng pagkailang o magkahiyaan dahil more than eight months din silang hindi nagkita ng face to face.

Nang magsimula na ang kanilang shooting, kinausap sila ni Direk Barry nang masinsinan at ipinaliwanag ang mga nais niyang makita sa kanilang mga eksena, unti-unti nang bumalik ang kanilang chemistry, lalo na ang kakaibang magic ng MayWard na nagustuhan ng madlang pipol.

Kuwento pa ni Maymay, “Nag-workshop din kami with Miss Ana Feleo para ma-break ang awkwardness na yon. Nag-usap kami. Kaya naging madali sa amin ang pagsu-shoot ng movie, nawala ang awkwardness.”

Inamin din ng dalaga na nakatulong nang malaki na sa last part na kinunan ni Direk Barry ang isang pasabog na eksena nila ni Edward sa movie.

“Rush na rush po yon. Mga 30 minutes mawawala na ang araw. In terms of emotion, nakakakaba talaga. Pero sinabi ko na lang, kung ano ang kailangan gawin, gawin natin.

“Challenging talaga ang scene na yon, kasi nagmamadali kami, last scene na namin yon dapat may araw, pa-sunset na, palubog na ang araw. Sabi ko, talaga bang magpapakilig tayo dito? Ito nararamdaman natin, Edward’.

“Pero, kailangan ihiwalay ang nararamdaman mo habang sinu-shoot mo yon, at ibigay ang kailangan talaga,” paliwanag pa ni Maymay.

Ang “Princess Dayareese” ay iikot sa buhay ni Reese (Maymay) na nangangarap mabuhay bilang isang royalty. Matutupad ang ultimate dream niyang ito nang makilala si Princess Ulap (gagampanan din ni Maymay), isang a runaway princess mula sa Oro Kingdom na kamukhang-kamukha ni Reese.

At sa loob ng 40 days, kapalit ng gold, nagtungo si Reese sa mundo ni Princess Ulap kung saan makikilala niya si Caleb (Edward), isang reporter na naghahanap ng katotohanan tungkol sa nasabing kaharian. Dito na magsisimula ang nakakaloka at nakakakilig na adventure ng fake princess.

Makakasama rin dito sina Miko Penaloza, Big Mac Andaya, Takuhei Kaneko, Gold Azeron, Neil Coleta, Iggy Boy Flores, Alora Sasam, Christine Samson, Chie Filomeno, Pepe Herrera, Epy Quizon, CJ Salonga, with the special participation of Snooky Serna.

“Princess DayaReese” streams worldwide beginning Jan. 1, 2021 on ktx.ph, iWant TFC, TFC IPTV, Cignal pay-per-view, and SKY pay-per-view. As early as now, you may add to cart your tickets for only P150.00 each.

Read more...