HINDI nasayang ang effort at panahon namin sa pagpunta sa press preview ng Boy’s Love movie na “The Boy Foretold By The Stars”, isa sa mga official entry sa 2020 Metro Manila Film Festival.
In fairness, tama ang lahat ng sinabi ng mga bida sa pelikula na sina Adrian Lindayag at Keann Johnson — ni-level up talaga nila rito ang mga Pinoy BL movies.
Hindi nagkamali ang Selection Committee ng MMFF 2020 na isali ang “The Boy Foretold By The Stars” sa Magic 10 dahil hindi lang ito basta pelikula tungkol sa kabaklaan, swak na swak din ito para sa lahat ng miyembro ng pamilyang Pinoy.
Simula pa lang ng movie ay aliw na aliw kami sa beks barkada ni Dominic (Adrian), lalo na sa gumanap na BFF niya na bentang-benta ang mga hirit at punchlines sa ilang members ng press na naimbitahan sa special preview.
Tawang-tawa talaga kami sa batuhan nila ng dialogue ni Adrian pati na ang isa pa nilang katropa. Siguradong maraming high school barkada ang makaka-relate sa kanilang masaya at makulay na friendship.
Maganda ang pagkakalahad ng kuwento ng pelikula na ayon nga sa direktor nitong si Dolly Dulu ay base sa tunay na mga pangyayari, “The story is based on my personal experience back in high school.
“It’s a very personal story that I wanted to share with the audience. It’s not just a passion project, it’s a material that carries a very important message specifically for the members of the LGBTQ+ community,” paliwanag ni Direk Dolly.
Hindi rin nagkamali si Direk at ang mga producers ng movie – The Dolly Collection, Brainstormers Lab at Clever Minds, Inc. ni Jodi Sta. Maria, na ibigay kina Adrian at Keann ang mga karakter nina Dominic at Luke dahil nabigyan nila talaga ito ng hustisya.
Agree rin kami sa sinabi ni Direk Dolly na kung nami-miss n’yo na ang mga pakilig at drama moments nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz, mapi-feel n’yo yan sa “The Boy Foretold By The Stars”.
Sabi nga ng mga nakapanood sa special screening ng nasabing MMFF entry, habang pinanonood mo ito hindi na magiging issue na isa itong gay young love story dahil ang talagang aabangan mo ay kung magkakatuluyan ba sila tulad ng hula ng isang fortuneteller na ginagampanan naman ng unang transwoman best actress sa 2018 Cinema One Originals na si Iyah Mina.
Para rin ito sa lahat ng mga naniniwala sa destiny, lalo na sa mga hopeless romantic na hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ang pagdating ng kanilang “the one”.
Pero siyempre, ang pinakamahalaga sa lahat, natural na natural ang akting ng lahat ng kasali sa pelikula, lalo na ang mga bidang sina Adrian at Keann na nakumbinse kami na totoong nagmamahalan sila. Walang kabastusan ang mga eksena nila, pero ramdam na ramdam mo ang feelings nila para sa isa’t isa.
At sa mga nagtatanong kung may kissing scene ang tambalang Adrian-Keann sa pelikula, siyempre hindi namin sasagutin yan para may surprise factor pa rin pag pinanood n’yo. Pero ang masasabi ko lang, perfect ang ending at siguradong magda-dialogue rin kayo ng, “Ay may part 2 ito!”
Sabi nga ni Adrian, “We made a quality film, I’m sure of that. It features an effeminate lead that we don’t get to see on mainstream media. Thus, representation matters.
“It’s a movie for all the little gay boys. It’s a film that represents them, I believe it’s something first on mainstream media,” aniya pa.
Mapapanood na ang “The Boy Foretold By The Stars” simula sa Dec. 25 via Upstream PH.