Melai ingat na ingat magkamali bilang PBB host: Kapag cut na, patay ka talaga sa mga boss…

KUNG may isang TV host na love na love namin dahil sa kanyang sinseridad at pagiging natural, yan ay walang iba kundi si Melai Cantiveros.

Iba rin kasi ang style ni Melai pagdating sa pagho-host, talagang makaka-relate sa kanya ang masa dahil wala siyang ere at kaartehan sa katawan.

Hindi kasi siya feeling sikat at feeling entitled — kumbaga, what you see is what you get.

Bukod sa morning show na “Magandang Buhay”, isa rin sa mga host si Melai ng “Pinoy Big Brother Connect”.

“Sa Magandang Buhay talagang comfortable na kaming mga momshies du’n kasi parang kami kami lang yun, eh.

“Pero dito sa PBB kasi, kaya nasabi talaga namin ni Kim (Chiu) na yung pahuli na, nung pa-Big Night na, dun na kami gumaling (mag-host). Pero wala na kinabukasan,” pahayag ni Melai.

Nagbahagi rin ang TV host-comedienne tungkol sa ginagawa niyang effort sa PBB para hindi magkamali, “Dito kasi kapag nagkamali ka ng pangalan na babanggitin mo patay ka.

“Kapag cut niya, patay ka talaga sa mga boss. So kailangan careful ka sa sasabihin mo. Tapos minsan mahahatid mo sa ibang van. Marami kaming mga mali noon. Ha-hahaha! Pero napagtagumpayan namin. Tinuturuan kami nila ate Toni (Gonzaga).

“Minsan nagbabasa ako ng lines ko, may dumaan na truck so hindi ko na nabasa. Tinutulungan ako nila ate Toni, nila Alex (Gonzaga). Andiyan sila. Napagtagumpayan talaga namin yung stage na yun. Ngayon comfortable na kami,” chika pa ni Melai.

Nang matanong kung may napupusuan na siyang maging big winner sa bagong batch ng housemates sa “PBB Connect”, “May mga maganda, may cute, kasi na-interview ko sila dalawa dalawa everyday.

“Meron naman du’n beauty queen siya so iba iba yung look tapos hindi mo pa malalaman in that two-minute interview na ginawa namin, unless mapanuod mo sila off-guard na hindi nila kausap ang artista or something, yung sila-sila lang ang nag-uusap, du’n mo lang malalaman ang totoong personality ng isang housemate.

“At saka doon mo makikilala lalo. So based on the interview, hindi mo pa malalaman talaga kung sino ang sino kasi meron silang front pa,” sey pa ng PBB Big Winner.

Samantala, sinabi ni Melai na hindi naman siya nahirapang mag-adjust noong kasagsagan ng home quarantine. Hindi naman daw kasi siya mahilig lumabas, mas gusto raw niyang nasa bahay lang kasama ang asawang si Jason Francisco at ang kanilang mga anak.

“Parang nasanay na rin talaga ako kasi si Jason din kasi bilang ama, talagang hindi siya masyadong palalabas so kahit na mga normal din na mga times, kahit wala pang quarantine, nandito lang kami sa bahay kaya kung lalabas man ako bilang mamshie, uwi agad ako kasi hahanapin ako agad ni Jason.

“Talagang nasanay na rin. May mga clash din naman ang pag-aaway namin mag-asawa pero napagtagumpayan pa rin namin na maayos,” aniya pa.

Read more...