Agam-agam ng mga paslit: Makakapamudmod nga ba si Santa Claus ng regalo ngayong Pasko?

Si Santa Claus habang nagbabasa ng mga sulat mula sa mga bata sa post office ng  Libourne sa southwestern France. (AFP)

Makakapaglibot nga ba si Santa Claus ngayong Kapaskuhan sa harap ng nagpapatuloy na pandemya sa buong mundo?

Maaaring ito ang isa sa malaking isyu na bumabagabag sa mga paslit na umaasa sa taunang regalong nakukuha nila sa mga isinabit nilang medyas.

“Nauunawaan ko po na nag-aalala tayo para kay Santa dahil matanda na rin nga siya,” wika ni Maria Van Kerkhove, ang technical lead ng World Health Organization sa pagtugon sa isyu ng Covid-19.

Pero ayon sa kay Van Kerkhove, hindi magiging hadlang ang pandemiya para lumabas at maglakbay si Santa sa buong mundo sa kanyang misyong mamudmod ng regalo sa mga bata dahil immune siya sa Covid-19.

“Sinisiguro ko sa inyo na si Santa Claus ay immune sa virus na ito,” wika ni Van Kerkhove, na siya mismo ay may dalawang maliliit pang anak.

“Nakakwentuhan namin siya at maayos naman ang kalagayan niya pati na rin si Mrs. Claus, at busy na sila ngayon,” wika pa ng opisyal ng WHO.

Ibinahagi pa niyang napag-alaman ng WHO mula sa mga lider ng daigdig na niluwagan na nila ang mga patakaran sa himpapawid para masiguro na si Santa at ang kanyang reindeer ay malayang makalilipad ngayong Pasko.

“Dahil dito makakapaglakbay siya papasok at palabas na alinmang airspace para maghatid ng regalo sa mga bata,” wika niya.

Pero sa harap nito ay nagbabala pa rin si Van Kerkhove sa mga bata kung paano patuloy na makapag-iingat para maiwasang madapuan ng coronavirus na kumitil na sa may  1.6 milyong tao sa daigdig.

“Sa aking palagay ay importanteng nauunawaan ng mga bata sa daigdig na ang physical distancing ni Santa Claus at ng mga bata ay dapat mahigpit na ipinatutupad,” aniya.

Mahalagang makinig ang mga bata sa kanilang magulang at “siguruhing maaga silang matutulog sa bisperas ng Pasko,” wika Van Kerkhove, dahil si “Santa ay tiyak namang makakapaglakbay sa buong mundo para maghatid ng regalo.”

Mula sa ulat ng Agence France-Presse
Read more...